Idiniin ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na magpapatuloy pa rin daw ang Senate impeachment trial sakali man daw na magbalik ng pera o magretiro sa posisyon si Vice President Sara Duterte.
Sa naging pahayag ni Kapunan sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Agosto 5, 2026, sinabi niyang wala raw magbabago sa impeachment trial at dalawang parusa raw ang maaaring harapin ni VP Sara.
“It doesn’t change the impeachment. [Tuloy pa rin] definitely. Maski nga mag-resign siya, tuloy pa rin,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Because in the impeachment, dalawa ang penalty diyan. Removal from office and prohibition to run for any public office.”
Samantala, sumagot din ang kasama ni Kapunan na kapuwa niya private prosecutor na si Atty. Amando Virgil Ligutan, at nilinaw niyang wala rin umanong magagawa si VP Sara kundi ang magbalik ng pera sakali man daw na iutos na ito ng Korte.
Diin pa ni Ligutan, dapat daw na magpatuloy ang paglalapat ng pananagutan laban umano sa bise presidente.
“Walang choice ‘yong Vice President kung may utos na isauli, she has to. But it doesn’t change anything. Liability should, dapat ipagpatuloy ‘yong pag-aaccount ng liability from the Vice President,” aniya.
Pagsasalita naman muli ni Kapunan, sa katunayan daw, iba’t ibang mga kaso at pananagutan daw ang maaaring mailapat laban kay VP Sara kaugnay sa tambak na alegasyong kinakaharap nito ngayon.
“‘Di ba tatlong klase ‘yan. Meron tayong impeachment proceedings, iba ‘yan sa criminal case, my plunder nga siya sa… iba ‘yun, may imprisonment ‘yan. There’s a civil case, ito ‘yong pagbalik ng pera. May administrative case. Iba-iba ‘yong kaso,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara o maging ang defense panel kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan sa 'prima facie evidence': 'Kung akong tatanungin, scam ito!'
KAUGNAY NA BALITA: Patty Ting, Mico Harina, Andy Lim at iba pa, pirmado sa resibo ng OVP!