Ibinahagi sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na madalas daw na hindi nanonood ng live si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga laro ng Filipino tennis sensation na si Alexandra “Alex” Alex Eala.
Matatandaang muling umukit ng kasaysayan para sa Pilipinas ang Eala matapos niyang makamit ang kampeonato sa WTA 500 Mubadala DC Open sa Washington, D.C. nitong Martes (araw sa Pilipinas), Agosto 4, 2026.
Nakaharap Eala sa finals ang kasalukuyang world rank no. 3 ng Women's Tennis Association (WTA) mula sa United States of America (USA) na si Jessica Pegula.
KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, kampeon sa Mubadala DC Open!
Sa naging pahayag ni Castro sa ikinasa niyang press briefing nitong Martes, Agosto 4, 2026, sinabi niyang natanong na raw niya noong mga nakaraang araw si PBBM kung nanonood ito ng live ng mga laro ni Eala.
Ani Castro, inilahad daw sa kaniya ng Pangulo na madalas itong hindi tumututok sa mga laro ni Eala dahil daw tila may dala itong “hindi suwerte.”
“Noong nakaraang araw ay tinanong ko kung pinapanood niya ‘yong ibang laro, ng Pangulo. Ang sabi po sa atin, usually ay ayaw niyang manood ng live dahil mukhang meron daw yata siyang dalang hindi suwerte kapag nanonood siya ng [live] na laro,” pagsisimula niya.
Diin ni Castro, hindi pa raw niya natatanong ang Pangulo kung napanood nito nang live ang pagharap ni Eala sa finals ng Mubadala DC Open, ngunit tiniyak niyang pagkawagi rin daw ng mga Pilipino ang naging kampeonato ng naturang atleta.
Pagpapatuloy niya, wala pa raw, sa ngayon, na nakatakdang ibigay na pabuya ang Pangulo para kay Alex ngunit idiniin niyang laging buhos daw ang suporta at ligaya ni PBBM para sa huli.
“Alam naman po natin na ang Pangulo, pagdating kay Alex Eala, ay talagang buhos po ang kaniyang suporta. Sa ngayon po ay hindi para pag-usapan kung iimbatahin muli, pero alam natin na sobrang maligaya po ang Pangulo sa pagkapanalo ni Alex Eala,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Alex does it again!' PBBM, binigyang-pugay kampeonato ni Eala