Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na hindi pa naaaresto si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, taliwas sa mga kumalat na ulat sa social media nitong Martes, Agosto 4.
Ayon sa ambush interview ng media kay Matibag, hindi raw ang kanilang grupo ang nagkasa ng pag-aresto laban sa senador, at tila wala raw siyang alam tungkol dito.
"Hindi. Sa amin, wala. I don’t know kung sino. Wala sa amin,” nang tanungin kung sila ba ang dumakip sa senador.
Giit pa niya, araw-araw nagpapatuloy ang operasyon upang hanapin ang senador, na nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano'y crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Atty. Polo Martinez na wala pa silang detalye hinggil sa umano'y pag-aresto kay Dela Rosa.
Sinabi rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na wala siyang natatanggap na impormasyon na nagpapatunay sa naturang balita.
Samantala, sinabi ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson na "negative" ang impormasyong natanggap niya mula sa kaniyang mga contact sa NBI, at wala rin umano siyang nakukuhang kumpirmasyon mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon pa kay Lacson, kung totoong nahuli na ang senador, malamang ay naihatid na siya sa airport para dalhin sa The Hague, Netherlands kung saan naroon ang ICC at nakadetine si FPRRD.
"Kung nahuli 'yun, nasa airport na 'yun," ani Lacson.
Maki-Balita: Sen. Ping sa umano'y pagdakip kay Sen. Bato: 'Kung nahuli yun, nasa airport na yun!'
Nagdulot din ng espekulasyon ang Facebook post ni Atty. Jimmy Bondoc, na nagsabing, "Bad news is coming. Pray hard that it is not true, for the good of the nation." Gayunman, wala siyang tahasang binanggit na may kaugnayan ito kay Dela Rosa.
Maki-Balita: 'Bad news is coming. Pray hard that it is not true, for the good of the nation!'—Jimmy Bondoc
Sa ngayon, nananatiling wala pang opisyal na kumpirmasyon na naaaresto na si Sen. Dela Rosa, habang kinumpirma ng NBI na patuloy pa rin ang manhunt operation laban sa senador alinsunod sa umiiral na warrant of arrest ng ICC.