August 04, 2026

Home BALITA National

'Bad news is coming. Pray hard that it is not true, for the good of the nation!'—Jimmy Bondoc

'Bad news is coming. Pray hard that it is not true, for the good of the nation!'—Jimmy Bondoc
Photo courtesy: Jimmy Bondoc (FB)

Nagdulot ng espekulasyon sa social media ang Facebook post ng singer at dating senatorial candidate na si Atty. Jimmy Bondoc matapos siyang magbigay ng babala tungkol sa isang umano'y paparating na masamang balita.

Sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Agosto 4, sinabi ni Bondoc na may paparating na masamang balita, at hinikayat niya ang publiko na manalanging hindi ito totoo, para sa ikabubuti ng bansa.

"Bad news is coming. Pray hard that it is not true, for the good of the nation," aniya.

Kalaunan, hindi na makikita ang nabanggit na post sa kaniyang Facebook account, subalit na-screenshot na ito ng mga netizen, ikinalat na, at naibalita na rin sa iba't ibang news outlet.

Bagama't walang tinukoy kung tungkol saan ito, espekulasyon ng mga netizen ay hinggil ito sa kumalat na mga ulat sa social media na umano'y nadakip na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, bagama't wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad.

National

Sen. Risa, isinusulong imbestigasyon ng Senado sa Pax Silica!

Nauna na ring sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Atty. Polo Martinez na wala pa silang detalye kaugnay ng kumakalat na balita.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, wala pa siyang natatanggap na impormasyon hinggil sa naturang ulat.

Samantala, mariin ding itinanggi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na ang kanilang ahensya ang nagsagawa ng anumang pag-aresto sa senador.

"Wala sa amin," ani Matibag.

Maging ang mga kaalyado ni Dela Rosa na sina Sen. Imee Marcos at Sen. Robin Padilla, wala rin umanong alam tungkol sa kumpirmasyon ng kumakalat na ulat.

Matatandaang si Dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na iniuugnay sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano'y crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Sen. Dela Rosa hinggil sa kumakalat na ulat, habang hinihintay pa rin ang kumpirmasyon mula sa mga kinauukulang ahensya.