Ipinaliwanag ni Atty. Michael Poa, mula sa defense panel, ang naging pagbabanggit niya sa Senate impeachment trial na may confidential funds si dating Vice President Jejomar Binay noong 2014.
Sa naging pahayag ni Poa sa isinagawa niyang press conference nitong Martes, Agosto 4, 2026, humingi siya ng dispensa sakali man daw na nasamaan ang kampo ni Binay sa naging pagbabanggit niya sa confidential funds nito.
“I have to apologize if I have offended anyone from VP Binay’s camp. I didn’t want to drag his name into this,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “In fact, if you notice kanina, pinipilit kong hindi sabihin talaga kung sino ‘yong Vice President. Sinabi ko lang na may pondo sa OVP noong 2014.”
Ani Poa, nilinaw lang daw niya ang naging punto ng testigong si dating state auditor sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng Commission on Audit (COA) Atty. Roderick Wamil na tangin si Vice President Sara Duterte lang daw ang na-audit nitong BP na may confidential funds mula noong 2014.
“Because kahapon, nabanggit, dalawa kasi ‘yong tanong. Ang tanong is ‘Noong nag-audit ka, sinong Vice President ang na-audit mo?’ At ang sagot ay si VP Sara Duterte. Pero ‘yong pangalawang tanong, ‘Bakit?’ Ang sagot kasi ng ating testigo is because, ‘During my tenure or time in ICFAO, siya lang naman ‘yong Vice President na may appropriation,’” aniya.
Dagdag pa niya, “So I wanted to clarify the second point. Sa socmed kahapon, parang ang dami ko nang nakita na parang pinapalabas, si VP Sara lang ang first ever Vice President na nagkaroon ng confidential funds.”
Saad ni Poa, pinili daw niyang hindi muna sagutan noong Lunes, Agosto 2, ang tungkol sa naturang usapin dahil binalak niya raw na siyasatin ito sa cross examination ng defense.
“That’s why, yesterday, hindi ko pa masagot kasi I was gonna use that sa cross today pero yesterday, sabi ko sa inyo, mapa-fact n’yo naman kung ilang Vice President ang nagkaroon ng confidential funds,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Poa, ninais lang daw niyang maging patas ang mga impormasyong lumalabas sa mga balita na tanging si VP Sara lang umano ang nagkaroon ng confidential funds sa kasaysayan ng bansa.
“Para lang patas tayo. Para lang hindi naman ‘yong nasesentro lang na lumalabas ay misleading news na si VP [Sara] lang in our history ang nagkaroon ng confidential funds as a Vice President,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, tanging BP, DepEd sec. na may confidential funds—testigo
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan sa 'prima facie evidence': 'Kung akong tatanungin, scam ito!'