August 03, 2026

Home BALITA National

VP Sara, tanging BP, DepEd sec. na may confidential funds—testigo

VP Sara, tanging BP, DepEd sec. na may confidential funds—testigo
Photo courtesy: Senate of the Philippines, MB

Nilinaw sa publiko ng tumayong ikaanim na testigo ng prosecution sa impeachment trial na si dating state auditor sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng Commission on Audit (COA) Atty. Roderick Wamil na si Vice President Sara Duterte lang umano ang natatanging bise presidente at Department of Education (DepEd) secretary na nagkaroon ng confidential funds. 

Ayon sa naging salaysay ni Wamil sa ikinasang ika-11 na araw ng Senate impeachment trial nitong Lunes, Agosto 3, 2026, ipinaliwanag niyang tumayo raw bilang mga bise presidente sa panahon nang magsimula niyang magtrabaho sa COA mula 2014 ay sina dating VP Jejomar Binay, dating VP Leni Robredo, at maging si VP Sara sa kasalukuyan. 

“Ang naging mga Bise Presidente po, since I assume with the ICFAO in 2014, ay si dating Vice President Binay at si dating Vice President Leni Robredo, at ‘yong ating incumbent Vice President po na si Sara Duterte,” pagsisimula niya. 

Ani Wamil, tanging si VP Sara lang daw ang na-audit niya dahil ito lang daw ang bise presidente na nagkaroon ng confidential funds mula nang magkaroon siya ng posisyon sa COA. 

“Buhat no’ng mag-assume ako noong 2014, tanging si Bise Presidente Sara Duterte lang po ‘yong aking na-audit na may confidential funds,” aniya. 

National

Gov't contractor, isa umano sa mga humirit ng TRO para maunsyami ang ₱85 wage hike

Paliwanag niya, “Since noong nag-assume po ako noong 2014 sa ICFAO, wala pong naging appropriations sa confidential funds si dating Vice President Binay at si dating Vice President Robredo. Tanging si Vice President Sara Duterte lang po ‘yong nagkaroon ng appropriations for the confidential funds.” 

Pagpapatuloy pa ni Wamil, tanging ang pamunuan lang din umano ni VP Sara bilang kalihim noon ng DepEd ang na-audit niya kaugnay sa confidential funds, kumpara daw sa mga nauna pang kalihim ng naturang ahensya na hindi naman daw nagkaroon nito mula noong 2014.  

“Sa pagkakaalala ko po, ang mga naging DepEd secretaries po ay sina dating Secretary Luistro, dating Secretary Briones, at ang ating Bise Presidente in her concurrent capacity as the DepEd secretary during that time,” aniya. 

Diin pa niya, “Tanging si Bise President Sara Duterte lang po, as DepEd secretary. Dahil siya lang po ‘yong naging DepEd secretary na nagkaroon ng confidential funds ang DepEd.” 

Paglilinaw ni Wamil, aabot daw sa ₱500 milyon ang naging confidential funds ng Office of the Vice President sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara mula noong ikaapat na kwarter ng 2022 hanggang ikatlong kwarter ng 2023. 

Habang papalo naman daw sa ₱112.5 milyon ang naging confidential funds ng DepEd, sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara, mula noong una hanggang ikatlong kwarter ng 2023. 

“Sa Office of the Vice President po, ang kanilang naging confidential funds from the fourth quarter of 2022 until third quarter of 2023 ay ₱125 million per quarter. So ang total po noon ay ₱500 million,” ‘ika niya. 

“Ang inaudit ko naman po sa Department of Education since ang kanilang cash advances from the first quarter of the 2023 until the third quarter of the 2023, meron silang ₱37.5 million quarterly cash advances, ang naging total po noon ay ₱112.5 million,” pagtatapos naman ni Wamil. 

Sa kabuuan, aabot umano sa ₱612.5 milyon ang kabuuang confidential funds na nadidiin kay VP Sara. 

KAUGNAY NA BALITA: Pagbubukas ng BIR records ni VP Sara, binasbasan ni PBBM—Ridon

KAUGNAY NA BALITA: 'Unusual,' patikim pa lang sa confidential funds ni VP Sara—Prosecution