Inihayag sa publiko ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na may basbas na raw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang pagbubukas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) records nina Vice President Sara Duterte at mister nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa naging pahayag ni Ridon sa ikinasang press conference ng House prosecution panel nitong Huwebes, Hulyo 30, 2026, sinabi niyang matagumpay nang nasumite sa Senate impeachment court ang BIR records ng mga nabanggit.
“Ang mga BIR documents ng mag-asawang Duterte-Carpio ay isinumite na rin sa Senate Impeachment Court,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Nagbigay ang Pangulo ng Pilipinas ng kaniyang approval para ilabas itong mga dokumentong ito.”
Ani Ridon, kasalukuyan pa raw nilang hinihintay ang pagsusumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ngayon ding Huwebes ng kanilang records at mga tala kaugnay sa mag-asawang sina VP Sara at Atty. Carpio.
“Inaantay pa po namin ‘yong updates mula sa AMLC. Pero ngayon din po ‘yong deadline ng kanilang submission ng lahat ng transaction, records, reports, ng AMLC relating to the Duterte-Carpio couple,” aniya.
Paglilinaw ni Ridon, tinutukoy daw ng prosecution ang tungkol sa umano’y ₱6.7 bilyong kabuuang transaksyon nina VP Sara sa banko, at ₱4.4 bilyong inflows na yaman ng mga ito.
“To be clear, we are talking about ₱6.7 billion in total transactions, ₱4.4 billion for inflows of the Duterte-Carpio couple which we formally submitted to the Senate impeachment court,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, tumiradang ₱5k lang mag-hire ng gunman sa Pilipinas!
KAUGNAY NA BALITA: 'Ang ICC ay tuta ni Trillanes at ni Marcos!'—VP Sara