Ipinabatid ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino sa publiko na maging kalmado, at hintayin ang magiging resulta sa isyu ng pansamantalang pagsususpinde sa ₱85 wage hike para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Kaugnay ito sa inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Pasig Regional Trial Court noong Hulyo 30, 2026, para sa pagsususpinde ng nasabing taas-sahod.
KAUGNAY NA BALITA: DOLE, inanunsyo ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila-Balita
“Maging kalmado tayo ngayon. Hintayin natin ang magiging resulta ng desisyon ng isang co-equal branch,” saad ni Sec. Tolentino sa isang panayam nitong Biyernes, Hulyo 31.
Aniya, “Ginagalang natin ang judiciary. Ginawa natin ang para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino subalit tumatalima tayo sa pinag-uutos ng husgado.”
“Lahat po ito ay para sa kapakanan ng mga manggagawa at ng mga employers,” dagdag pa niya.
Sa hiwalay na pahayag, iginiit naman ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na hindi umano maaaring pigilan ng korte ang pagpapatupad o implementasyon ng wage order.
“Sa Article 126 ng Labor Code, hindi maaaring pigilan ng korte ang pagpapatupad ng wage order. Dapat manaig ang batas at ang karapatan ng mga manggagawa,” saad ni Diokno sa kaniyang Facebook post nito ring Biyernes, Hulyo 31.
Aniya pa, “Dapat manaig ang batas at ang karapatan ng mga manggagawa.”
MAKI-BALITA: Pagpapatupad ng wage order, ‘di pwedeng pigilan—Diokno-Balita