Tumirada si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon kaugnay sa mga gumamit umano ng pondo sa proyekto ng flood control projects para magnakaw sa kaban ng bayan.
Matatandaang ang flood control anomalies ang isa sa mga naging kontrobersyal na isiniwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa ikinasa niyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, 2025.
Sa naging pahayag ni Dizon sa panayam sa kaniya ng isang TV station noong Biyernes, Hulyo 24, 2026, pinaliwanag niyang maraming hiwa-hiwalay na flood control project masterplan sa buong Pilipinas, partikular na raw sa mga pangunahing ilog na mayroon ang bansa.
“Ang flood management master plan, hiwa-hiwalay ‘yan. Typically, mga major rivers ng bansa, ‘yan merong masterplan ‘yan,” pagsisimula niya.
Ani Dizon, may dalawang pangunahin lang umanong maituturing na problema sa pag-iimplementa ng flood control projects dahil daw medyo luma na ang karamihan dito na may direkta raw na koneksyon sa mga naganap na kalokohan sa naging kontrobersyal na anomalya.
“Ang problema, number one, marami diyan medyo luma na. Ikalawa, directly related dito sa mga kalokohang nangyari these past several years is hindi sinusunod,” aniya.
Pagpapatuloy pa niya, ginamit lang daw ang pondo sa flood control anomalies para sa pagnanakaw.
“Kasi nga nalaman na natin ngayon [na] may mga proyekto sa flood control, ginagamit lang para magnakaw,” pagtatapos niya.
Kaugnay nito, nakatakdang ikasa ni PBBM ang ikalima niyang SONA sa darating na Lunes, Hulyo 27, 2026, at inaasahan ng publiko ang pag-uulat ng Pangulo sa naging resulta ng pagkondena ng pamahalaan sa maanomalyang flood control projects sa loob ng humigit-kumulang isang taon na ang nakalipas.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM may pahaging sa SONA: 'Abangan ang susunod na kabanata'
KAUGNAY NA BALITA: SONA ni PBBM ‘kulminasyon,’ ‘resolusyon’ sa lahat ng komplikasyon—SILG Remulla