‘Killings and death threats must never be normalized!”
Umalma si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima sa mga wala umanong pakundangan na pagbabanta sa buhay ng sa social media at pati na rin sa naging pagpatay sa political content creator na si Alicia Lipata o kilala rin bilang “Mima Alicia.”
Matatandaang bandang 3:06 ng madaling-araw noong Hulyo 17, 2026, nang pagbabarilin ng mga gunmen na sakay ng motorsiklo si Mima Alicia sa Barangay 171, Caloocan City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinitingnan umanong dahilan ng pagpaslang sa nasabing political vlogger ang mga naging komentaryo at mga content nito na may kaugnayan sa politika.
KAUGNAY NA BALITA: Pagiging political vlogger, tinitingnang anggulo sa niratrat na vlogger sa Caloocan!
Sa pahayag ni De Lima sa kaniyang mga post sa social media, partikular sa “X,” nitong Sabado, Hulyo 25, sinabi niyang niyang ginawa pa raw katatawanan online ang sinapit ni Mima Alicia.
Aniya, “Hindi ito katanggap-tanggap. Walang sinuman ang dapat takutin at pagbantaan ang buhay, online man o sa personal.”
Diin ni De Lima, hindi raw malayang pagpapahayag ang pagbabanta sa buhay ng tao dahil labag daw ito sa batas, at hindi dapat kunsintihin ang mga pananakot at karahasan na tila naging normal umano sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Death threats are not free speech. Labag ito sa batas. Hindi dapat kunsintihin ang lenggwahe ng pananakot, karahasan at pagpatay na naging normal sa administrasyong Duterte,” ‘ika niya.
Panawagan ni De Lima, makamit daw sana ng mga biktima at pamilya nila ang katarungan at maipatupad ang peace and order para maiwasan ang mga bangungot ng pangyayaring tulad ng sinapit ni Mima Alicia.
“Bahagi ng pagtataguyod ng hustisya ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng pagpatay at pagbabanta, at ang maigting na pagpapatupad ng peace and order para maiwasan ang ganitong mga karumal-dumal na krimen,” pagtatapos pa niya.
Samantala, natiklo na ng mga awtoridad ang umano’y dalawang suspek na 58-anyos at 48-anyos sa naging pagkasawi ni Mima Alica sa Mabalacat, Pampanga, noong Hulyo 23, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 'Mindset of an entitled bully!' De Lima, tumirada sa pa-unggoy ng China