Inurirat ni Sen. Imee Marcos ang pagtatayo ng Pax Silica sa bansa dahil sa banta umano nitong dulot na sakit sa ulo para sa mga Pilipino.
Ayon sa U.S. Department of State, ang Pax Silica ay para sa artificial intelligence (AI) at supply chain security.
Sa kasalukuyan, mahigit dalawampung bansa na ang lumalagda sa naturang proyekto, kasama na ang Pilipinas.
Bahagi ng kasunduan ang planong pagtatayo ng mahigit 1,600 ektaryang AI-native industrial acceleration hub sa New Clark City, Tarlac.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica
Sa video statement ni Sen. Imee na inupload niya sa kaniyang Facebook page nitong Biyernes, Hulyo 24, 2026, pinatutsada niyang baka “Pox Silica” ang totoong tawag sa naturang proyekto dahil daw sakit sa ulo.
“Ang daming nagtatanong tungkol diyan sa ‘Pax Silica.’ Pax nga ba talaga o ‘pox?’ As in ‘chickenpox…’ at lahat ng sakit. Sakit sa ulo,” pagsisimula niya.
Ani Sen. Imee, tuwang-tuwa pa raw noon ang Pilipinas dahil mag-iinvest sa bansa ang mga Amerikano, partikular sa North Luzon Corridor, dahil magkakaroon daw ng maraming trabaho at manufacturing sa bansa, ngunit nabago raw ito dahil sa Pax Silica mismo.
Tirada ng senador, marami umano palang rare earth ang Pilipinas na kinakailangan sa pagbuo ng mga automotive, computer, at mobile phone.
“Ang sabi nila, napakarami raw na mga rare earth na kinakailangan sa automotive, sa computer, sa mobile, lahat ‘yon nangangailangan ng mga rare earth panggawa ng mga magnet at iba pa,” aniya.
Dagdag pa niya, “‘Yong rare earth, hawak lahat ng China. Ngayon, nanganganib ang US at wala silang rare earth. Guess what? Ang Pilipinas, ang dami-rami pala nating rare earth. By product ng nickel, ng copper, ng kung ano-ano.”
Diin ni Sen. Imee, marumi at environmental hazard daw ang rare earth kaya nangangailangan ito ng tone-toneladang tubig upang masala at malinis, dahilan umano para posibleng matuyo ang malalaking dam sa bansa partikular ng Pantabagan dam, Angat dam, at Magat dam.
“Kaso ang dumi-dumi pala noon, environmental hazard, kakalkalin ‘yong buong bundok. Isa pa, para salain, kinakailangan pala ng tone-toneladang tubig, galon-galon. Mauubos ang Pantabangan, Angat, Magat, lahat-lahat talagang uubusin,” ‘ika niya.
Saad pa niya, kokonsumo rin ng elektrisidad ang naturang proyekto ng US sa bansa kaya problema pa kung saan makakakuha ng bagong suplay ng kuryente ang Pilipinas.
“Higit sa lahat, ang laki ng problema kasi uubusin din lahat ng elektrisidad. Unless, makapag-produce tayo ng bagong kuryente. Saan kaya manggagaling ‘yon?” buwelta niya.
“Isipin mo buong Central Luzon, kasi doon daw sa New Clark City. Kaya napapaisip ako, ‘Pax Silica’ ba o ‘Pox Silica’ ‘yan?” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika