July 25, 2026

Home BALITA National

NBI, nakipag-ugnayan na sa COA, SEC kaugnay sa 2019 SEA Games anomalies!

NBI, nakipag-ugnayan na sa COA, SEC kaugnay sa 2019 SEA Games anomalies!
Photo courtesy: MB

Pormal nang humiling ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga tanggapan ng Commission on Audit (COA) at Securities and Exchange Commission (SEC) para mahingi nila ang mga opisyal na audit report at dokumentong may kaugnayan sa anomalya sa 2019 SEA Games. 

Sa lumitaw na dokumento sa publiko, partikular sa inupload ng Facebook page na Batas PH, nitong Biyernes, Hulyo 24, 2026, makikita ang dalawang liham na pormal na isinumite umano ng NBI sa COA at SEC. 

Screenshot mula sa FB post ng Batas PH. 

Parehong nakapetsa ang dalawang dokumentong ipinadala ng NBI sa COA at SEC noong Martes, Hulyo 21. 

Batay sa mga naturang dokumento, pormal na humiling si NBI Director Atty. Melvin Matibag sa COA ng certified true copy ng pinal na audit report nito sa Philippine Sports Commission (PSC) na may kaugnayan umano sa 2019 SEA Games at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC). 

National

Kahandaan ng PNP sa SONA: 'Almost 100% na tayo!'

Paliwanag ni Matibag, kasalukuyan na raw silang nagsasagawa ng pormal na imbestigasyon sa umano’y mga irregularidad, anomalya sa pananalapi, at posibleng paglabag sa anti-graft, korapsyon, at iba pang batas na may kaugnayan sa funds, disbursement, at procurement sa 2019 Sea Games, PHISGOC, at mga transaksyon sa PSC. 

“This document is essential to verify findings, establish facts, and trace fund flows in the course of our official investigation,” aniya. 

Samantala, humiling naman si Matibag sa SEC ng mga dokumento o impormasyon na may kaugnayan sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation Inc., (PHISGOC Foundation Inc.) mula 2017 hanggang sa kasalukuyan. 

Aniya, alinsunod umano ito sa Article III, Paragraph 2 ng Data Sharing Agreement ng NBI at SEC. 

Narito ang partikular na dokumentong hiniling makuha ng NBI: 

Certificate of Incorporation (COI)

Articles of Incorporation (AOI)

By-Laws (BL)

Audited Financial Statement (AFS)

General Information Sheet (GIS)

Beneficial Ownership Declaration (BOD)

Board Resolution on sale/transfer of non-current assets.

Matatandaang nauna nang inihayag sa publiko ni Matibag na magkakaroon daw sila ng fact-finding inquiry sa umano’y aabot sa ₱10 bilyong unliquidated funds at mga anomalya sa 2019 SEA Games sa bansa.

Isa sa mga mainit na usapin dito ang pagtatayo ng New Clark City Sports Complex sa Tarlac at ang kontrobersyal na ₱50 milyong na stadium cauldron, kung saan nakaladkad ang pangalan ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang House Speaker pa lang noon at si Dizon bilang CEO at presidente noon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Dizon sa 2019 SEA Games issue, naabsuwelto; Sen. Cayetano, hindi—Palasyo

KAUGNAY NA BALITA: Dizon sa 2019 SEA Games issue, 'off the hook' na nga ba kay NBI Dir Matibag?