Idiniin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patuloy nilang inaaral at tinitingnan ang mga petisyon hinggil sa taas-pasaheng ipinapanawagan ng ilang transport groups, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Batay sa ibinahaging ulat ng LTFRB nitong Miyerkules, Hulyo 22, personal silang nakipagdayalogo sa grupong MANIBELA upang pakinggan ang mungkahi nito hinggil sa fare hike petition.
Ayon sa ahensya, maaaring tumaas ang ₱10/L fuel discount bilang tugon sa nasabing problema.
Gayunpaman, iginiit nilang patuloy nilang inaaral ang iba pang mga hakbang na siyang tutugon sa mga kinahaharap na pagsubok ng mga drayber at operator.
Sa hiwalay na ulat nito ring Miyerkules, Hulyo 22, inilahad ng LTFRB na patuloy ang pagsusuri sa mungkahing taas-pasahe—habang kinokonsidera maging ang kasalukuyang kondisyon ng sektor ng transportasyon.
Anang ahensya, ang bukas nilang pakikipagdayalogo sa stakeholders upang mabigyang solusyon ang problema ng transportation sector ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa kaugnay na ulat, matatandaang nagkasa ang MANIBELA ng ng two-day transport strike, upang ipanawagan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
MAKI-BALITA: MANIBELA, magkakasa ng transport strike ngayong Hulyo 22-23, 2026-Balita
Bilang tugon naman sa magiging epekto nito sa mga komyuter, nagkasa naman ng Department of Transportation (DOTr) ng libreng sakay para sa mga apektado ng nasabing tigil-pasada.
MAKI-BALITA: Sa gitna ng tigil-pasada: Libreng sakay ng DOTr, nagpapatuloy-Balita
Photo courtesy: LTFRB