Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, Hulyo 22, na kasalukuyang nagpapatuloy ang kanilang libreng sakay para sa mga komyuter na apektado ng tigil-pasada.
Matatandaang ibinahagi ng grupong MANIBELA noong Martes, Hulyo 21, na sila ay magkakasa ng 2-day transport strike simula ngayong Miyerkules, Hulyo 22 hanggang Huwebes, Hulyo 23.
Ito ay tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na anila’y nagpapalubog sa kabuhayan ng mga tsuper at ordinaryong Pilipino.
“Hindi na maaaring manahimik ang transport sector habang tila pinababayaan ng Department of Energy (DOE) ang sunod-sunod na oil price hike na nagpapalubog sa kabuhayan ng mga tsuper at ordinaryong Pilipino,” saad ng MANIBELA sa kanilang pahayag.
MAKI-BALITA: MANIBELA, magkakasa ng transport strike ngayong Hulyo 22-23, 2026-Balita
Ayon sa DOTr, kabilang sa mga rutang seserbisyuhan ng libreng sakay ay ang Welcome Rotonda-Fairview; Recto-Cubao via Nagtahan; Quiapo-Cubao via E. Rodriguez; Quiapo-Fairview; Kalentong-Pasig Palengke; at PITX-Lawton at vice versa.
Anang ahensya, katuwang nila ang Philippine Coast Guard (PCG), Department of Energy (DOE), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagkakasa ng nasabing libreng sakay.
Naging epektibo ang unang bahagi ng libreng sakay nitong Miyerkules, Hulyo 22, 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga; at magpapatuloy naman mamayang 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
Photo courtesy: DOTr