Kasunod ng naging kontrobersiya sa pangmalakasang iPhone 17 giveaway ni Kapamilya star-vlogger Ivana Alawi, naging usap-usapan naman ang social media personality at negosyanteng si Rosemarie "Rosmar" Tan-Pamulaklakin matapos magpahayag na mamimigay rin siya ng iPhone sa kaniyang mga tagasuporta—ngunit iginiit na hindi ito kapalit ng pagpo-promote ng online gambling.
Sa kaniyang Facebook post noong Sabado, Hulyo 18, sinabi ng content creator: "MAMIMIGAY AKO SA MGA SUPPORTERS KO NG IPH0NE tulad ng lagi ko ginagawa. Pero di parin ako magpromote ng sugaaaal. Anong kulay gusto nyo? pipili tayo. Dapat lagi naka support at naka puso.#PINAKAMALAKAS."
Photo courtesy: Screenshot from Rosemarie Tan-Pamulaklakin (FB)
Giit pa ni Rosmar, hindi naman daw bago sa kaniya ang pamimigay ng mamahaling cellphones.
"Di sobrang latest para madami mabigyan," aniya pa.
Agad itong umani ng atensyon ng mga netizen dahil sa timing ng naturang pahayag.
Matatandaang naging sentro ng diskusyon sa social media si Ivana matapos niyang ianunsyo ang pamimigay ng 100 pirasong iPhone 17 sa kaniyang mga followers. Bagama't marami ang natuwa sa giveaway, hindi rin naiwasang batikusin ng ilang netizens ang aktres dahil iniuugnay nila ang naturang promo sa kanyang pag-endorso ng isang online gaming o online gambling platform.
Dahil dito, lumitaw ang iba't ibang opinyon sa social media. May mga nagsabing hindi dapat gamitin ang mamahaling gadgets bilang panghikayat sa mga promosyong may kaugnayan sa online gambling, habang ipinagtanggol naman ng iba ang aktres at sinabing lehitimong endorsement lamang ito.
Maki-Balita: Ivana, binakbakan sa pagpapamudmod ng cellphones; promotion ng online sugal?
Maki-Balita: Ivana Alawi, dinagsa dahil sa pamimigay ng 100 pirasong cellphones!