Mariing nagbabala si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa mga mambabatas na nadedemonyo raw na lumabag sa batas at subuking magpayaman lang sa loob ng pamahalaan.
Sa naging pahayag ni Remulla sa isinagawa nilang press conference nitong Biyernes, Hulyo 17, 2026, sinabi niyang layunin daw ng Ombudsman na magkaroon ng ibang epekto sa pagpili ang mga indibidwal na tatakbo para maging parte ng gobyerno.
Paaalala niya, huwag na raw subuking lumabag ng mga nasa pamahalaan ngayon sa batas dahil mas mahirap daw ang makulong.
“What we want to happen is to have deterrent effect. Huwag [nang] mag-violate ng law ‘yong mga taong nadedemonyong mag-violate ng law,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kasi mas mahirap pong makulong. ‘Yon ‘yong isang problema na dapat nilang harapin.”
Ani Remulla, kung gusto lang daw yumaman ng ilang mga indibidwal, dapat daw na magnegosyo na lang ang mga ito sa labas ng politika at huwag nang tumakbo para mapabilang sa loob ng gobyerno.
“Kung gusto nilang yumaman, hindi gobyerno dapat ang pinupuntahan nilang trabaho. Dapat magnegosyo na lang sila sa labas. Huwag na sa gobyerno,” buwelta niya.
Pagpapatuloy ni Remulla, hindi raw dapat pumapayag ang lahat ng mga Pilipino na magpapayaman at magnenegosyo lang sa loob ng pamahalaan ang mga mambabatas dahil mali raw iyon.
“Huwag na kayong sasali sa gobyerno tapos doon kayo sa loob magnenegosyo, mali po ‘yan. Hindi dapat natin pinapayagan ‘yan bilang isang mamamayang Pilipino. Tayong lahat, hindi tayo dapat pumapayag diyan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, iginiit din ni Remulla na nakakalungkot daw para kaniya na maliit pa lang ang mga napapatawan nila ng katarungan para maparatangan ng mga akusasyon ang mga solon na sangkot sa korapsyon.
Pagtitiyak naman ni Remulla, hindi raw tumitigal ang ahensya ng Ombudsman sa pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsyon sa bansa, partikular sa maaanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Remulla sa plunder case vs Romualdez: 'We still have to cross the t's and dot some i's!'
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman Remulla kay Sen. Padilla: 'He chooses to ignore the Ombudsman, so be it!'