Bumuwelta ang House prosecutor na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon sa pagkontra ng defense panel sa mosyon ng prosecution na mabuksan ang tax records ni Vice President Sara Duterte.
Sa ikaanim kasing araw ng Senate impeachment trial nitong Miyerkules, Hulyo 15, 2026, nakatakdang siyasatin sa loob ng Korte ang Article II ng Articles of Impeachment laban kay VP Sara.
Sumesentro sa naturang article ang paglalabas ng mga tax at bank records ni VP Sara at ng kaniyang mister na si Atty. Manases “Mans” Carpio, upang mapaliwanag umano ang “unexplained wealth” ng mga nabanggit.
Sa naging oral arguments naman nina House prosecutor Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, mula sa panig ng prosecution, at Atty. Michael Poa, mula sa panig ng defense, nitong Miyerkules, pinag-usapan nila ang tungkol sa pagpapadala ng subpoena sa bank accounts, mga dokumento ng Bureau of Internal Revenue (BIR), at mga tala ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) nina VP Sara at ng kaniyang mister.
Sa naging pahayag naman ni Ridon sa panayam sa kaniya ng media nito ring Miyerkules, pinatutsada niyang baka raw talagang may tinatago sina VP Sara kung natatakot daw ang defense na mabuksan ang AMLC at bank records ng mga nabanggit.
“Well, kung takot sila doon sa pagbubukas ay ibig sabihin no’n talagang baka may tinatago. Nakita naman natin ‘yong AMLC records… ₱6.7 billion in total transactions at ₱4.4 billion in inflows,” pagsisimula niya.
Pagpapatuloy ni Ridon, mabigat na ebidensya raw, para sa kaniya, ang mga tax records at bank accounts nina VP Sara para magkaroon ng kabuuang litrato ang publiko sa hindi raw maipaliwanag na yaman ng naturang mag-asawa.
“Tingin ko, mabigat na ebidensya ito unexplained wealth na kapag naisama ‘yong tax sa documents at ‘yong bank accounts, ‘yong dokumento nito, tingin ko, mas magkakaroon tayo ng kabuuang litrato no’ng itsura talaga ng hindi maipaliwanag na yaman ng ating Pangalawang Pangulo,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang defense team sa nasaad na ito ni Ridon.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ilalaban ko na ito!' Sen. Alan, haharapin isyu ng 2019 SEA Games laban sa kaniya
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment complaint, ‘di suportado ng ebidensya—VP Sara