July 20, 2026

Home BALITA Politics

Sen. Marcoleta, pinakabagong senador na nagkasakit matapos maaresto!

Sen. Marcoleta, pinakabagong senador na nagkasakit matapos maaresto!
Photo courtesy: File photo

Inihayag ng Philippine National Police (PNP) General Hospital na nagpositibo si Sen. Rodante Marcoleta sa mild pneumonia at degenerative disc, nitong Miyerkules, Hulyo 8, 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Marcoleta, tinamaan ng mild pneumonia!

Ayon kay PNPGH Chief Internal Medicine Lieutenant Colonel Benaly Bayani, natukoy ang sakit ni Marcoleta sa pamamagitan ng chest x-ray kung saan nakitaan din umano ang senador ng pagiging hypertensive.

Kasalukuyang nananatili sa PNPGH ang 72-anyos na senador na may blood pressure umano na 160/90. 

Noong Lunes, nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kinakailangang manatili ni Marcoleta sa naturang ospital upang makapagsagawa ng health screening test dahil sa kaniyang edad.

Politics

Utol ni Sen. Alan, bet makipagtulungan kay Sen. Ping tungkol sa 'ghost project' sa Taguig!

Natakadang ipiit ang senador sa New Quezon City Jail -  Male Dormitory sa Payatas kung saan nakadetine si Sen. Jinggoy Estrada dahil din sa kasong plunder.

Sa mga nakalipas na taon, si Marcoleta na ang maituturing na ikalimang senador na tinamaan ng sakit matapos na maaresto.

MAKI-BALITA: BALITAnaw: Mga sakit na sumulpot sa ilang politiko matapos silang makasuhan at makulong

Bong Revilla

Taong 2014 nang nasangkot at nakulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si dating Senador Bong Revilla dahil sa 16 counts ng graft at plunder kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Hunyo 2014 nang siya ay nakulong, subalit pagtungtong ng Nobyembre 2014 ay nagpabalik-balik na sa St. Luke’s Medical Center ang dating senador dahil sa hypertension, severe migraine at lumbosacral radiculopathy secondary to spondylosis.

Jinggoy Estrada

Si Sen. Jinggoy Estrada ay kasalukuyang nahaharap sa ikatlo niyang plunder case, subalit ayon sa mga tala, tatlong beses na rin umano siyang may iniinda kasabay ng kaniyang kinakaharap na mga reklamo.

Taong 2001 nang una siyang kasuhan ng plunder at noong 2002 nang naghain ng mosyon ang kaniyang kampo na mailipat siya sa Makati Medical Center dahil sa labis na pagdurugo ng puwit.

Noong 2014 nang muling naharap at naaresto sa plunder case si Estrada. Nang sumunod na taon ng 2015, pinayagan siya ng Sandiganbayan na magpagamot sa Cardinal Santos Medical Center dahil umano sa labis na pananakit ng balikat.

At ngayong 2026, sa ikatlong plunder case kaugnay ng kickback umano sa flood control projects, iginigiit naman ng kaniyang kampo na kailangan niyang sumailalim sa knee replacement surgery.

Juan Ponce Enrile

Kaugnay pa rin ng PDAF scam, kabilang sa naaresto noon si dating Senate President Juan Ponce Enrile subalit matapos maghain ang kaniyang kampo para sa hospital arrest—kinatigan ito ng Sandiganbayan at pinayagan siyang manatili sa Philippine National Police General Hospital (PNPGH). 

Taong 2015 nang payagan siyang makapagpiyansa dahil sa edad na 90 taong gulang.

Leila de Lima

Noong 2021 naman nang kinailangan ding magpagamot nang noo'y nakadetineng si dating senador Leila de Lima kung saan nakitaan umano siya ng sintomas ng mild stroke. Isinailalim din siya sa COVID-19 testing noon at nagpositibo naman sa naturang virus.