Nagpaliwanag si Sen. Robin Padilla sa kaniyang naging pagdulog sa Google noong Lunes, Hulyo 6, 2026, sa ikinasa nilang unang araw ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa naging pagkontra ni Padilla sa pagkakahalal kay Senator-Judge Chiz Escudero bilang presiding officer sa naturang trial.
“Humingi po ako ng tulong sa Google kasi legal terms po ito. Hindi naman po ako nagtapos sa UP. Hindi rin po ako nagtapos sa Ateneo. Nagtapos po ako ng criminology. At UP rin: University of Prison,” ani Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin Padilla tungkol sa legal terms: 'Humingi ako ng tulong sa Google'
Sa bagong pahayag naman ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Hulyo 7, sinabi niyang pinalalaki raw ng mga “bayaran” ang naging paghingi niya ng tulong sa Google para i-translate sa Tagalog ang Deliberations of Consultative Committees (ConCom) kaugnay sa tungkulin ng presiding officer.
“Ang isyu na pinalalaki ng mga bayaran ay ang paghingi ko ng tulong kay [G]oogle para sa translation sa tagalog ng deliberasyon ng Concom commissioners patungkol sa presiding officer, hindi ang dapat pagsunod sa saligang batas ng impeachment court,” pagsisimula niya.
Saad ni Padilla, tipikal na halimbawa daw iyon ng political term na “wagging the dog” o pag-aalis ng atensyon ng publiko sa totoong usaping dapat pag-usapan.
“Classic example of the political term. Wag the Dog. Alisin sa totoong isyu ang usapan at mag imbento ng istoryang pag uusapan,” aniya.
Paglilinaw ni Padilla, humingi lang daw siya ng tulong sa Google na i-translate mula sa Ingles papunta sa Tagalog ang Deliberations of ConCom upang hindi raw siya magkamali, makapagdagdag, o magbaluktot sa pagtalakay ng naturang usapin.
“Ang [p]agsalin sa tagalog mula sa inglis sa google ay upang hindi ako magkamali, magdagdag, o baluktutin ang mga tinalakay sa Concom,” pagtatapos niya.
Samantala, nakatakdang muling magsimula ang ikalawang araw ng Senate impeachment trial laban kay VP Sara ngayong Martes sa ganap na 2:00 ulit ng hapon, Hulyo 7, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Hirit ni Sen. Robin: 'Nagtapos po ako ng Criminology at UP rin, sa University of Prison!'
KAUGNAY NA BALITA: Padilla, inapelang kahit ‘observer’ na lang sina Estrada at Marcoleta sa impeachment trial!