Ibinahagi sa publiko ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na wala pa umanong nakararating na balita sa kanila kung dadalo si Vice President Sara Duterte sa unang araw ng Senate impeachment trial ngayong Lunes, Hulyo 6, 2026.
Sa naging pahayag ni Gatchalian sa panayam sa kaniya ng media nito ring Lunes, sinabi niyang patuloy raw ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado ngunit wala pa raw ipinapadalang pasabi o abiso ang Pangalawang Pangulo sa pagdating nito.
“Walang pasabi. Walang pasabi sa amin. So nagko-coordinate din ako sa OSAA at wala pa namang pasabi,” ‘ika niya.
Ani Gatchalian, nagpapasalamat naman daw siya sa mga miyembro ng OSAA dahil nakaplano na raw ang lahat upang matiyak ang seguridad ng Senado sa simula ng araw ng impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo.
“Everything is nakaplano na. Kaya nagpapasalamat nga ako ating OSAA dahil importante ‘yong seguridad ng ating institusyon,” aniya.
Pagtitiyak ni Gatchalian, nakahanda na rin daw ang OSAA maging sa mga magsasagawa ng kilos-protesta ng ilang mga grupo sa labas ng Senado ngayon ding Lunes.
“Pinaghandaan din. Any eventuality, nakahanda naman. Kaya merong ganitong mga arrangement natin sa labas, pati ‘yong mga nagsabi na mag-rally, pinaghahandaan na rin,” saad niya.
Pagpapatuloy niya, humingi na rin daw ng suporta ang Senado sa ahensya ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak naman ang kaayusan sa gitna ng pagkakasa ng mga kilos-protesta ng ilang mga grupo.
“Humingi rin kami ng suporta sa PNP para masigurado na orderly ‘yong mga demonstration sa labas ng Senado,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nakatakdang magsimula sa ganap na 2:00 ng hapon tuwing Lunes hanggang Miyerkules mula ngayong Hulyo 6 hanggang Hulyo 26 ang impeachment trial laban kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kailangan nating pumili:’ Ridon, humirit sa publiko sa simula ng impeachment!
KAUGNAY NA BALITA: 61 upuan, bukas sa publiko sa bawat impeachment trial vs VP Sara—Senate Sec. Bantug