Iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi maaapektuhan ng isinagawang protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang plano ng kaniyang tanggapan na magsampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta.
Sa panayam ng media kay Remulla nitong Miyerkules, Hulyo 1, 2026, nilinaw ni Remulla na nananatiling nakatakda ang paghahain ng kaso sa kabila ng mga kilos-protesta na isinagawa bilang pagsuporta sa senador.
“Nothing has changed, we will file, walang nagbabago,” anang Ombudsman.
Nauna nang inanunsyo ng Office of the Ombudsman na nakatakda nitong ihain sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay Marcoleta kaugnay ng umano'y hindi naideklarang ₱75 milyong campaign donations noong 2025.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ang plunder at bakit nagitgit si Sen. Marcoleta sa kasong ito?
Kasama rin umanong ihaharap sa kaso ang ilan sa mga umano'y kasamang respondent.
Kasabay nito, nagdaos ng mga kilos-protesta ang mga miyembro ng INC sa EDSA Monument sa Quezon City at Liwasang Bonifacio sa Maynila bilang pagpapakita ng suporta sa senador.
Iginiit ng grupo na hindi sila tutol sa pagpapatupad ng batas ngunit kinukuwestiyon nila ang batayan ng planong pagsasampa ng kaso laban kay Marcoleta.
Samantala, nauna nang itinanggi ni Marcoleta ang mga paratang at iginiit na may motibong pampulitika ang mga reklamong inihain laban sa kanya.
Sa video statement na ibinahagi ni Marcoleta sa kaniyang Facebook post noong Martes, Hunyo 30, sinabi niyang paglilingkod lang daw sa taumbayan ang tanging kasalanan niya.
Aniya, “Ang kasalanan ko lang po ay ang paglingkuran kayo. Kung kasalanan pong matatawag 'yan, na humarap sa kanila nang buong tapang para sa gano'n ay malaman n'yo ang totoo; malaman n'yo kung sino ang nagkasala sapagkat gusto nating papanagutin lahat ng taong ito."
KAUGNAY NA BALITA: Ang kasalanan ko lang ay paglingkuran kayo—Marcoleta