July 14, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, naghain ng Senate resolution para bigyang-pugay si Rene Baterbonia

Sen. Robin, naghain ng Senate resolution para bigyang-pugay si Rene Baterbonia
Photo courtesy: via MB

Gumawa ng ng isang resolusyon sa Senado si Sen. Robin Padilla upang bigyang-pugay ang buhay, legasiya at natatanging ambag sa Philippine sports ng yumaong Ateneo Blue Eagles student-athlete na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 472, kinilala ni Padilla ang dedikasyon, husay at pagiging inspirasyon ni Baterbonia sa kabataang Pilipino, gayundin ang kaniyang pagmamahal sa pamilya at bayan.

Ayon sa resolusyon, matagal nang kinikilala ng Senado ang mga atletang Pilipino na nagbigay ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanilang natatanging tagumpay sa larangan ng sports.

Inilarawan sa dokumento si Baterbonia bilang isang masipag, disiplinado at masigasig na student-athlete na nakapag-ukit ng pangalan sa larangan ng palakasan sa pamamagitan ng kaniyang kahusayan sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa.

Nakasaad din sa resolusyon na lumaki si Baterbonia sa Agusan del Sur at nagsikap upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Dahil sa taglay na determinasyon, disiplina at talento, nakamit niya ang athletic scholarship na naging daan upang maabot ang kaniyang mga pangarap.

National

Sen. Mark Villar naghain ng resolusyon para parangalan si Alex Eala

Bukod sa pagiging mahusay na atleta, kinilala rin siya bilang isang responsableng anak, mapagmahal na kapatid at tapat na miyembro ng kanilang pamilya. Ayon sa resolusyon, ang walang sawa niyang pagmamahal sa pamilya ang naging inspirasyon niya upang higit pang magsikap at magtagumpay.

Binigyang-diin din ni Padilla na sa pamamagitan ng dedikasyon ni Baterbonia sa pagiging kinatawan ng paaralan at sa bansa, naipakita niya ang tunay na diwa ng isang atletang Pilipino at nagsilbing huwaran sa kabataan sa usapin ng disiplina, tiyaga, pagmamahal sa bayan at paghahangad ng kahusayan.

Ayon pa sa senador, bagama’t malaking kawalan ang maagang pagpanaw ni Baterbonia para sa pamilya niya, mga kaibigan, paaralan at buong komunidad ng sports sa Pilipinas, mananatiling buhay ang mga halimbawa niya at inspirasyon sa puso ng maraming Pilipino.

Sa resolusyon, pormal ding ipinahayag ng Senado ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng yumaong atleta at inatasang bigyan ang mga ito ng kopya ng naturang resolusyon bilang pagkilala sa kanyang naiwang legasiya.

Nauna nang nagpaabot ng tulong ang iba’t ibang opisyal ng pamahalaan sa pamilya Baterbonia, kabilang ang National Housing Authority (NHA), na nagkaloob ng condominium unit bilang housing assistance matapos ang pagpanaw ng batang atleta.

Maki-Balita: Pamilya ni Rene Baterbonia, bibigyan ng condo unit sa Davao City—NHA

Si Baterbonia, kasama ang Nigerian national na si Divine Adili na kasama niya sa koponan, ay parehong nalunod at namatay matapos ang isinagawang team-building activity ng Ateneo Men's Basketball Team sa Dipaculao, Aurora noong Lunes, Hunyo 8, 2026.

Inihatid na sa huling hantungan si Baterbonia noong Miyerkules, Hunyo 24. Nag-iwan naman ng matinding habilin ang ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia sa anak, na "huwag patulugin" ang mga kasamahan hangga't hindi sila nagsasabi ng totoong dahilan ng kaniyang pagkalunod na humantong sa pagkamatay.

Maki-Balita: Hinagpis ng ina ni Rene Baterbonia sa huling hantungan: 'Wag mong patulugin gumawa sa 'yo nito, anak!'