Usap-usapan ang paghihinagpis at tila pagbibilin ni Rovelyn Baterbonia sa kaniyang pumanaw na anak na si Ateneo Blue Eagles basketball player Rene Baterbonia habang inihahatid ito sa huling hantungan, noong Miyerkules ng umaga, Hunyo 24.
Kumakalat sa social media ang panaghoy ni Rovelyn sa kabaong ng anak habang inihahanda na ang paglalagak nito sa puntod.
Sa wikang Bisaya, sinabi umano ni Rovelyn sa anak na huwag patutulugin ang mga taong naging dahilan ng pagkamatay niya, dahil hindi aniya humingi ng tawad sa kanila ang mga ito.
Salin sa wikang Filipino ng naging panaghoy ni Rovelyn, "Huwag mong patulugin ang gumawa sa 'yo nito, anak! Huwag mo silang patulugin! Lahat ng member, 'nak! Huwag mo silang patulugin! Kapag hindi sila nagsasabi ng totoo. Nak 'wag mo silang patulugin! Galing mismo sa staff, coach, at players... hindi man lang humingi ng tawad. Porket mahirap tayo, hindi sila manghingi ng tawad sa 'tin. Tao lang tayong lahat!"
Matatandaang pumanaw si Rene kasama ang Nigerian national na si Divine Adili, sa isinagawang team-building activity ng Ateneo Men's Basketball Team sa Dipaculao, Aurora noong Lunes, Hunyo 8, 2026, dahil umano sa pagkalunod.
Samantala, ibinalita ni Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr. na pagkakalooban ng condominium unit ang naulilang pamilya ng pumanaw na Ateneo Blue Eagles basketball player, mula sa National Housing Authority (NHA).
Sa isang social media post noong Miyerkules, ibinahagi ng governor na personal siyang kinontak ng NHA para iparating ang magandang balita para sa pamilya Baterbonia.
Ayon sa mensaheng ipinadala ng ahensya, iniutos umano ni NHA General Manager Joeben Tai ang pagkakaloob ng isang condominium unit sa Madayaw Residences na matatagpuan sa Sierra Madre Road, Bangkal, Davao City bilang tulong-pabahay para sa pamilya ni Rene.
Nakasaad sa liham na isang condominium unit sa Madayaw Residences ang ilalaan sa pamilya bilang housing assistance.
Maki-Balita: Pamilya ni Rene Baterbonia, bibigyan ng condo unit sa Davao City—NHA
Maki-Balita: 'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia