July 02, 2026

Home BALITA

PBBM, 'heartbroken' sa naganap na Tacloban school shooting

PBBM, 'heartbroken' sa naganap na Tacloban school shooting
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Ibinunyag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na “heartbroken” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. matapos mapag-alaman ang karumal-dumal na shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban noong Hunyo 22.

Matatandaang nagdulot ang pamamaril ng dalawang menor de edad na suspek sa pagkasawi ng tatlong mag-aaral, at iba pang mga nasaktan.

MAKI-BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!-Balita

Sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Huwebes, Hunyo 25, idiniin din ni Usec. Castro na hindi umano katanggap-tanggap ang mga ganitong uri ng pangyayari.

“Ang mga mararahas na nangyayari sa ating bansa ay hindi na po katanggap-tanggap—mas lalo na po kung kabataan ang nasasangkot,” saad ni Usec. Castro.

Pagbunyag niya, “Noong nabalitaan nga po ng Pangulo ang nangyari sa Tacloban ay heartbroken, masasabi natin ang naramdaman ng Pangulo dahil mga bata ang lumalabas na kaya na gumawa ng krimen; kayang magplanong gumawa ng krimen; at mga inosenteng mga kabataan din ang nabibiktima.”

“Mas maganda po ngayon na mapakita talaga natin kung paano ba natin inaalagaan ang ating mga kabataan at hindi po siguro nararapat na isantabi o hindi pansinin ang mga ganitong pangyayari,” dagdag pa niya.

Giit ng press officer, iniutos na ni PBBM ang mabilis na imbestigasyon kaugnay dito.

“So, iniuutos din po ng Pangulo ang agarang pag-determine, ano ang nagiging ugat nito, maliban po sa nakita ng Pangulo na may kinalaman ang ibang mga gaming apps na marahas,” anang press officer.

“So, dapat po talaga makita kung saan nagmumula ito. Kung nagkakaroon ba ng panggagaya, nagiging para bang normal ang ganitong klase ng karahasan,” dagdag pa ni Usec. Castro.

Batay sa datos na inilabas ng Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules, Hunyo 25, pumalo na sa 1,275 school-related youth offender incidents ang naitala mula taong 2022 hanggang 2025.

MAKI-BALITA: PNP, nakapagtala ng 1,275 school-related youth offender incidents noong 2022-2025-Balita