July 23, 2026

Home BALITA National

PNP, nakapagtala ng 1,275 school-related youth offender incidents noong 2022-2025

PNP, nakapagtala ng 1,275 school-related youth offender incidents noong 2022-2025
Photo courtesy: PNP


Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules, Hunyo 24, na pumalo sa 1,275 school-related youth offender incidents ang naitala sa buong bansa noong taong 2022 hanggang 2025.

Kasunod ito ng sunod-sunod na insidenteng kinauugnayan ng mga menor de edad na mag-aaral mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Ayon sa ahensya, ang nasabing datos ay nagmula sa PNP Women and Children Protection Center.

Batay pa sa impormasyong inilatag ng PNP, naiulat noong taong 2023 ang pinakamataas na bilang ng insidenteng kinaugnayan ng Conflict with the Law (CICLs) kung saan umabot ito sa 395; sinundan noong 2024 sa talang 345; at 210 noong 2022.

“A review of the data further shows that these cases were addressed through various legal, social welfare, and community-based mechanisms,” saad ng PNP.

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

Anang ahensya, sa loob sa apat na taon, 279 na kaso ang naisampa sa korte; 323 ang nasa ilalim ng preliminary investigation; 221 ang napagkasunduan; at 52 ang inilakad sa social welfare authorities.

“The PNP recognizes that many cases involving minors require not only accountability but also timely guidance, rehabilitation, and strong family and community support to help prevent repeat offenses and promote positive development among the youth,” anang ahensya.

Base naman sa pahayag na inilabas ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., idiniin niya na ang tungkulin nila bilang mga pulis ay panatilihin ang kaayusan, pagiging patas, at wastong implementasyon ng mga umiiral na batas.

"Ang usapin ng Minimum Age of Criminal Responsibility ay isang polisiya na nakasalalay sa ating mga mambabatas. Ang tungkulin ng Philippine National Police ay tiyaking maayos, patas, at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng anumang hakbang na maipapasa. Patuloy nating gagampanan ang ating mandato nang may paggalang sa due process, karapatang pantao, at kapakanan ng kapwa natin mamamayan," saad ni Nartatez.

Ayon pa sa kaniya, "Hindi lamang ito usapin ng pananagutan. Mahalaga rin ang papel ng pamilya, paaralan, komunidad, at iba't ibang ahensya ng gobyerno sa paggabay sa ating mga kabataan.”

“Kung maaga nating matutugunan ang mga suliranin at panganib na kanilang kinakaharap, mas marami tayong kabataang mailalayo sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanila at sa iba,” dagdag pa niya.

Giit ng PNP, patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang masiguro ang mas maayos na kinabukasan ng bawat Pilipino.

“The PNP remains steadfast in working with all sectors to build safer schools, stronger communities, and a more secure future for every Filipino,” pagtitiyak ng PNP.