July 27, 2026

Home BALITA National

15-anyos na suspek sa pamamaril sa Tacloban, sinampahan ng patong-patong na kaso!

15-anyos na suspek sa pamamaril sa Tacloban, sinampahan ng patong-patong na kaso!
Photo courtesy: via Balita

Nasampahan na ng patong-patong na kasong kriminal ang 15-anyos na estudyanteng sangkot sa madugong pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Analiza Armeza, tagapagsalita ng Police Regional Office 8 (PRO-8), kinasuhan ang menor de edad ng tatlong counts ng murder, tatlong counts ng frustrated murder, at multiple counts ng serious physical injuries kaugnay ng insidente.

Ipinaliwanag ni Armeza na ang 15-anyos lamang ang isinama sa reklamo dahil siya lamang ang natukoy ng mga awtoridad na kumilos nang may discernment o sapat na pag-unawa sa kaniyang ginawa.

“Siya lang yung na-file-an ng complaint kasi under nga sa RA 9344, siya lang ang upon determination, na he acted with discernment, siya lang ang puwedeng ma-file-an ng complaint,” ani Armeza, sa panayam sa kaniya ng media.

Samantala, wala namang isinampang kaso laban sa 14-anyos na kasama sa insidente dahil saklaw ito ng mga probisyon ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.

National

‘It will bring quality jobs!' PBBM, aprub na sa Pax Silica?

Sa halip, sasailalim ang mas batang menor de edad sa intervention program na nakalaan para sa mga batang nalalabag sa batas.

Kasunod nito, lumabas din ang resulta ng isinagawang paraffin test sa dalawang suspek.

Ayon sa pulisya, kapwa nagpositibo ang dalawang menor de edad matapos makitaan ng bakas ng gunpowder nitrate sa kanilang mga kanang kamay. Nagpositibo rin sa pagsusuri ang mga baril na narekober mula sa kanila.

Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng iba pa.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang dalawang menor de edad habang isinasagawa ang kaukulang mga legal at rehabilitasyong proseso.

Matatandaang naganap ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte noong Hunyo 22, isang insidenteng nagdulot ng matinding pagkabigla sa komunidad at muling nagbukas ng usapin hinggil sa karahasan sa loob ng mga paaralan at pananagutan ng mga menor de edad na nasasangkot sa mabibigat na krimen.

Maki-Balita: Shooting incident sa Tacloban, pinagplanuhan umano nang isang buwan—PRO-8

Maki-Balita: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City