July 15, 2026

Home SHOWBIZ Relasyon at Hiwalayan

Ser Geybin, Mam Elma nilinaw isyu ng 'third party' sa pag-aming hiwalay na!

Ser Geybin, Mam Elma nilinaw isyu ng 'third party' sa pag-aming hiwalay na!
Photo courtesy: Ser Geybin, Elma (Screenshot from TikTok)

Matapos ang sunod-sunod na espekulasyon sa social media, kapwa nilinaw nina social media personalities Ser Geybin o Gavin Capinpin at Mam Elma Asagra na walang kinalaman ang "third party" sa naging dahilan ng pagtatapos ng kanilang pitong taong relasyon.

Lumutang ang iba't ibang haka-haka nitong mga nakaraang linggo matapos kumalat online ang ilang larawan na iniuugnay kay Gavin sa isang babae. Dahil dito, maraming netizens ang nag-akala na may third party na sangkot sa relasyon ng dalawa.

Sa kaniyang pahayag, mariing itinanggi ni Mam Elma ang mga alegasyong ito at sinabing matagal na niyang alam ang mga sitwasyong pinag-ugatan ng mga kumalat na larawan.

Ipinaliwanag ni Elma na nabigyan lamang ng maling kahulugan ng ilang netizens ang mga larawang kumalat sa social media.

Ayon kay Elma, "I am aware of the speculations and rumors spreading online. Magkaibigan po sila, nabigyan lang po ng malisya ang mga kumalat na pictures based sa kung ano lang po ang nakikita, pero lahat po iyon bago mangyari ay alam ko na, dahil pinapaalam lahat ni Gavin."

Relasyon at Hiwalayan

Haba ng hair! Dolly de Leon, nilalandi sa Hollywood

Dagdag pa niya, hindi dapat agad humusga ang publiko batay lamang sa mga nakikita sa internet.

"Please don't make any judgments or spread fake news without confirmation."

Ayon kay Mam Elma, nang lumabas ang music video at content na "Pasan," mas lalo pang dumami ang mga haka-haka tungkol sa estado ng kanilang relasyon. Gayunman, sinabi niyang matagal nang may mga pinagdadaanan ang kanilang pagsasama na hindi alam ng publiko.

"Matagal po naming sinubukan ang lahat. Our decision is mutual. Like what I've said, we tried our best to make it work."

Maki-Balita: 'Nilaban namin hanggang sa huli!' Ser Geybin, Mam Elma winakasan 7 taong pagsasama

Samantala, sa hiwalay na pahayag ni Ser Geybin, inamin niyang nalungkot siya sa mga kuwentong nabuo mula sa simpleng mga larawan at post sa social media.

Ipinaliwanag niya na ang babaeng iniuugnay sa kaniya ay kaibigan lamang at hindi dahilan ng kanilang paghihiwalay.

"Aware rin po ako sa mga kumakalat na kwento nung nakaraan. Nakakalungkot na sa simpleng litrato, maraming kwento at haka-haka na ang nabuo."

Direkta rin niyang pinabulaanan ang alegasyon ng third party.

"Alam ko na may mga taong iisipin na ang mga gawa-gawang kwento na iyon ang dahilan ng aming hiwalayan, kaya lilinawin ko lang po muli, kaibigan ko po iyon, at hindi po iyon ang dahilan ng aming hiwalayan."

Ayon pa kay Gavin, alam ni Elma ang lahat ng kaniyang naging biyahe at lakad na pinag-ugatan ng mga espekulasyon.

"Alam rin po ni Elma na may kasabay akong lilipad noon dahil nagpaalam ako at may kanya-kanya kaming lakad."

Humingi rin siya ng paumanhin sa kaibigang nadamay at sa pamilya nito matapos silang mabatikos at mahusgahan dahil sa mga kumalat na kuwento online.

"Humihingi po ako ng kapatawaran sa kaibigan ko na iyon at lalo na sa pamilya niya dahil nadamay sila nang walang kamalay-malay," aniya.

Bagama't itinanggi nila ang pagkakaroon ng third party, kapwa inamin nina Elma at Gavin na matagal nang may mga problemang kinakaharap ang kanilang relasyon sa likod ng mga masasayang video at content na nakikita ng publiko.

Ayon kay Gavin, ginawa nila ang lahat upang maisalba ang kanilang pagsasama ngunit dumating sila sa puntong kailangan nang tanggapin na hindi na ito maibabalik.

Maki-Balita: Ser Geybin sa hiwalayan nila ni Mam Elma: 'Di kami nagtagumpay isalba relasyon namin!'

Ganito rin ang sentimyento ni Elma nang sabihin niyang kahit nakikita silang masaya sa harap ng camera, may mga personal silang laban na sila lamang ang nakaaalam.

Matatandaang naging usap-usapan din kamakailan ang kalagayan ni Gavin matapos siyang makaranas ng anxiety attack, na lalo pang nagpasiklab sa mga tsismis tungkol sa kanilang relasyon.

Ngunit sa kanilang magkasunod na pahayag, malinaw na ipinunto nina Ser Geybin at Mam Elma na hindi pagtataksil o walang third party involved sa rason ng kanilang hiwalayan kundi mga problemang matagal na nilang sinubukang ayusin bilang magkapareha.

Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, sinabi ng mag-ex na patuloy nilang susuportahan ang isa't isa habang tinatahak ang magkahiwalay na landas sa kanilang buhay.