Inihayag sa publiko ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin na magkakaroon ng malaking rollback sa mga presyo ng produktong petrolyo sa darating na Martes, Hunyo 23, 2026.
Sa kabila ito ng naging aberya sa muling pagsasara ng bansang Iran sa Strait of Hormuz noong Hunyo 20, matapos atakihin ng Israel ang timog na bahagi ng naunang bansa kahit na nagkaroon na sila ng pansamantalang kasunduan sa Estados Unidos na naglalayong wakasan ang sigalot sa Middle East.
KAUGNAY NA BALITA: Israel, panira ng 'ceasefire;' Strait of Hormuz, muling isinara ng Iran!
Sa naging pahayag naman ni Garin sa panayam sa kaniya ng isang radio station nitong Lunes, Hunyo 22, sinabi niyang magkakaroon daw ng rollback na ₱9/litro sa diesel at kerosine, habang ₱4/litro naman sa gasolina.
“Kapag diesel ang pag-uusapan natin, siguro mga minimum noon, mga ₱9 siguro,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Mga ₱4 [sa gasolina]. Kina-calculate pa ‘yong average na ‘yon. Kerosine mga ₱9 din.”
Ani Garin, opisyal pa lang daw silang mag-aanunsyo ngayon ding Lunes kapag natalakay na nila ang mga nakaraang gastos ng mga kompanya ng produktong petrolyo sa mga nagdaang linggo.
“Estimate pa namin kung ano ‘yong arrange. We’ll announce later kasi pinag-uusapan pa with the all companies kung ano ‘yong mga binayaran nila for the previous weekend,” aniya.
Pagpapatuloy ni Garin, ang nangyari daw na gulo sa pagitan ng Israel at Iran ang tanda na bulnebrable ang Pilipinas sa anomang ipagpapatuloy nilang sigalot kaya raw mas mabuti na maging handa lagi ang bansa sa lahat ng pagkakataon.
“Kaya nga very vulnerable tayo. Nag-celebrate na ‘yong buong mundo noong last week, ngayon naman may nangyari. Hindi ko talaga alam kung gusto ba talaga nila o hindi. We just really to prepare kasi hindi na natin kontrolado ito,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang Pebrero 28, 2026, nang pormal na inanunsyo sa publiko ni US President Donald Trump ang simula ng kanilang major combat operation laban sa Iran.
Matapos ang humigit-kumulang apat na buwan, labis na umaray ang Pilipinas at mga Pilipino sa epektong dulot ng sigalot sa Middle East sa labis na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
KAUGNAY NA BALITA: Israel PM Benjamin Netanyahu nagka-cancer, tinago sa Iran!