July 15, 2026

Home BALITA

Israel, panira ng 'ceasefire;' Strait of Hormuz, muling isinara ng Iran!

Israel, panira ng 'ceasefire;' Strait of Hormuz, muling isinara ng Iran!
Photo courtesy: Unsplash

Muling idineklara ng Iran ang pagsasara ng Strait of Hormuz noong Sabado, Hunyo 20, 2026 at nagbabala sa mga barko na umiwas sa mahalagang rutang pandagat sa Gitnang Silangan.

Lumala ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos ilang araw matapos magkasundo ang dalawang bansa sa isang pansamantalang kasunduan na naglalayong wakasan ang sigalot sa rehiyon.

Ayon sa ulat, nagmula ang anunsyo sa pinagsanib na pwersang militar ng Iran at ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), kasabay ng paghahanda ng mga negosyador ng Tehran na bumiyahe patungong Switzerland para sa nakatakdang technical-level talks kasama ang mga opisyal ng US.

Iginiit ng Iran na ang hakbang ay tugon sa patuloy na operasyon ng militar ng Israel sa Lebanon at sa umano’y kabiguang tuparin ng Washington ang ilang pangako sa ilalim ng umiiral na kasunduan para sa tigil-putukan.

Ito ay matapos maglunsad ng mga pag-atake ang Israel sa timog na bahagi ng bansa. Hindi bababa sa 16 katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi habang may ilan pang naiulat na naipit sa mga gumuhong istruktura.

Atty. Poa, pinaliwanag matipid na sagot ni VP Sara sa mga puna

Kasabay nito, iniulat na nagtungo rin sa Switzerland si US Vice President JD Vance upang makibahagi sa mga susunod na pag-uusap na layong mapanatili ang kasunduang pansamantala sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa kabila ng deklarasyon ng Iran, sinabi ng US military na wala silang nakikitang indikasyon na aktuwal na isinara ang Strait of Hormuz.

“Iran does not control the Strait of Hormuz. Traffic continues to flow, and US forces are monitoring the situation to ensure this remains the case,” ayon kay US Central Command spokesperson Navy Captain Tim Hawkins.

Nagpahayag din si US President Donald Trump hinggil sa usapin sa pamamagitan ng social media. Ayon sa kaniya, mananatiling walang toll fee sa Strait of Hormuz sa loob ng 60 araw habang umiiral ang ceasefire period.

“There will be NO TOLLS in the Hormuz Strait for 60 days during the Cease Fire Period, and there will be NO TOLLS after the 60 day period has expired, unless they are imposed by and for the United States of America, should the deal not be completed,” ani Trump.

Patuloy namang inaabangan ng international community ang magiging resulta ng mga pag-uusap sa Switzerland, na inaasahang makatutulong upang gawing permanente ang kasalukuyang kasunduan at maiwasan ang panibagong paglala ng sigalot sa rehiyon.