Emosyonal na pinuntirya ng aktres na si Lotlot De Leon ang kapatid niyang si Ian De Leon at idiniin niyang wala raw siya, pati ang kanilang kapatid na si Matet De Leon, na inagaw sa iniwang mana ng namayapang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Sa naging pahayag ni Lotlot sa isinagawa nilang movie story conference ng drama film nilang “40 Days” noong Biyernes, Hunyo 19, 2026, mariin niyang sinabing kay Ian na raw ang lahat ng iniwang mana ng namayapa nilang ina na si Nora Aunor dahil wala naman daw silang hinihingi at inaagaw ni Matet.
“Sa kaniya na lahat. Wala kaming hinihingi, wala akong hinihingi, wala akong inaagaw, walang inaagaw si Matet,” pagsisimula niya.
Diin pa niya, “He can have it all.”
Ani Lotlot, sapat na raw para sa kaniya na pinalaki siya ng isang Superstar, nabigyan ng pangalan, at matawag na “mommy” si Nora Aunor.
“Kasi para sa akin, sapat nang matawag kong ‘mommy’ si Nora Aunor, sapat na napalaki ako ng isang superstar, sapat na nabigyan niya ako ng pangalan ni mommy,” aniya.
Buwelta ni Lotlot, galit na galit daw siya dahil buong buhay siyang nagsakripisyo para sa kaniyang mga kapatid matapos ay sisirain lang iyon ni Ian.
“He can have it all. Galit ako. Galit na galit ako. Buong buhay ko sinakripisyo ko para sa mga kapatid ko tapos sisirain mo lang,” emosyonal na sinambit ni Lotlot.
“I’m so sorry. Please forgive me,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nauna nang binasag na ng aktres na si Matet noong Mayo 7, 2026, ang pananahimik niya kaugnay sa isyu ng mana nila sa nanay nilang si Nora Aunor.
“Wala kaming hinihingi,” giit ni Matet habang umiiyak sa panayam sa kaniya ni Tito Boy Abunda.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Wala kaming hinihingi!’ Matet, nagsalita na tungkol sa isyu ng mana kay Nora
Ito ay matapos kumpirmahin kamakailan ng kapatid nilang si Ian De Leon na siya ang nangangasiwa sa Nora Aunor Enterprise at tanging legal na tagapagmana ng kanilang inang pumanaw.
KAUGNAY NA BALITA: Matet De Leon, ibinida ‘ngiti ng mga ampon na walang mana’