Hindi nagkomento si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go kaugnay sa inihain ng kanilang paksyon na Cayetano bloc na Petition For Certiorari and Prohibition at Status Quo Ante Order sa Korte Suprema noong Martes, Hunyo 16, 2026, kaugnay sa naganap na quorum ng 12 mga senador noong Hunyo 3, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Cayetano bloc, naghain ng petisyon sa SC; humiling ituring SP si Cayetano, SP Pro Tempore si Legarda!
Sa naging pahayag ni Go sa pagdalo niya sa sesyon ng Commission on Appointments (CA) sa Senado nitong Miyerkules, Hunyo 17, sinabi niyang dapat daw na hintayin na lang ng publiko ang ilalabas na desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa kanilang petisyon.
“Antayin na lang po natin ‘yong magiging desisyon ng Supreme Court,” pagsisimula niya.
Giit ni Go, hindi na raw siya magbibigay ng komento sa naturang petisyon nila ng mga miyembro ng Cayetano bloc sa Korte Suprema noong Hunyo 16 dahil dumalo na raw siya sa sesyon ng Senado kung saan may bago nang nahalal na majority bloc.
“No comment na po ako diyan dahil that was as of yesterday questioning ‘yong June 3, ‘yong quorum at ‘yong elections ng mga officers,” aniya.
Dagdag pa niya, “Iba naman po ito ngayon. Nandito na tayo sa, sabi ko nga, majority rules. Congratulations sa mga bagong na-elect.”
Depensa ni Go, pumunta raw talaga siya sa Senado para dumalo sa pagdinig ng CA dahil bisyo niya raw ang makapagserbisyo para sa taumbayan.
“Actually pumunta po ako dito to attend the Commission on Appointments. Regular po ako nag-a-attend ng Commission on Appointments,” diin niya.
“Trabaho lang po ako. Gusto ko pong makapagtrabaho tayo dahil bisyo ko po ang magserbisyo sa ating mga kababayan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, dumalo na sa sesyon ng Senado ang ilan pang mga miyembro ng Cayetano bloc bukod kay Go na sina Sen. Loren Legarda, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Pia Cayetano, at Sen. Imee Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Loren sa pagtanggap sa bagong mayorya: '13 na e, noong 12, hindi pa!'