Mainit at maikling sagot ang iniwan ni Sen. Pia Cayetano nang dumating siya sa Senado—ilang oras bago tuluyang nabawi ang pagka-Senate President sa kaniyang kapatid na si Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa ambush interview ng media kay Sen. Pia nitong Miyerkules, Hunyo 17, 2026, iginiit niyang wala raw siyang problema sa bagong liderato ng Senado sa ilalim ni Senate President Win Gatchalian, matapos silang makakuha ng solidong 13 bilang ng mga senador.
“13 'di ba? Common sense 'di ba? What's in the rules? What's in the Constitution? When you have thirteen, yun lang. So, kung 'di sumunod sa rules. do'n lang naman kami may problema. Pero 'pag sumunod sa Constitution at sa rules, there's no problem,” saad ni Cayetano.
Matatandaang nitong umaga rin ng Miyerkules nang tuluyang nagbitiw sa puwesto si Sen. Alan Peter sa pamamagitan ng isang Facebook post. Ayon sa senador, napagtanto na raw niyang may sapat na bilang na ang noo’y Gatchalian bloc matapos niyang makausap si Sen. Joel Villanueva.
"After speaking with Sen. Joel Villanueva, it appears our colleagues on the other side will soon have the numbers to elect a new Senate President. I will not stand in the way of that vote," ani Cayetano.
Paliwanag pa niya, "No leadership in a democracy is ever permanent; every office we hold is a loan, never a possession. To whoever this chamber lawfully elects, I extend my congratulations and my cooperation in advance."
KAUGNAY NA BALITA: Matapos bitawan pagka-SP: Sen. Alan, 'honored' pa rin maging 'PS!'
Kasunod nito, tuluyan namang naihalal sa pagiging Senate President si Sen. Gatchalian matapos ang kumpirmadong paglipat ni Sen. Villanueva sa kaniyang paksyon.
Matatandaang umupo si Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11 matapos ang matagumpay nilang kudeta laban sa noo’y liderato ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III.
Habang noong Hunyo 3, ginulat ni Sen. Chiz Escudero ang Senate plenary hall matapos siyang dumalo sa sesyon—ilang araw matapos ang hindi pagsipot ng Senate majority bloc sa kanilang plenary session.
Si Escudero na nauna na noong sumapi sa majority bloc ang siyang kumumpleto bilang ng 12 senador upang magkaroon ng quorum at rumatsada ang sesyon ng Senado.
KAUGNAY NA BALITA: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session