Bumuwelta si Sen. Alan Peter Cayetano sa mga miyembro ng Gathalian bloc sakali man daw na makabuo ang mga ito ng kabuuang bilang na 13 na mga senador at maging opisyal na bumaba sa puwestong pinanghahawakan niya bilang Senate President.
Sa naging pahayag ni Cayetano sa isinagawa niyang Facebook live nitong Martes, Hunyo 16, 2026, binati niya ang Gatchalian bloc kung nakabuo na raw ang mga ito kabuuang 13 na miyembro.
“So kung trese na sa kanila, congratulations!” pagsisimula niya.
Patutsada ni Cayetano, nakuha raw ng Gatchalian bloc ang kabuuang bilang na 13 na miyembro sa pamamagitan daw ng pananakot, panunuhol, at paniniguradong walang makukulong sa kanilang paksyon.
“We know how you got it: sa pananakot, panunuhol, sasabihing ikukulong,” buwelta niya.
Ani Cayetano, tatanggapin daw ng Cayetano bloc na mamuno sa Senado ang Gatchalian bloc kapag naging matagumpay ang pagbuo nila ng 13 na mga miyembro, ngunit hindi raw magbabago ang kanilang mga prinsipyo.
“But sabi namin na anytime thirteen kayo, kayo na ang mamuno—pero hindi magbabago ang priciple namin,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ang tanong ko, kung makukuha ninyo ‘yong thirteen, ano buburahin na naman natin ‘yong flood control [projects issue] or ipo-front and center natin ito?”
Pagpapatuloy ni Cayetano, ginugulo raw ng kabilang paksyon ang buong Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng impartial impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte nguni ayaw naman daw ng mga ito na hindi sila ang tatayo bilang presiding officer at mabuo sa 24 ang bilang ng mga senador.
“Kinukuyog n’yo ang buong Pilipinas na magkaroon ng impartial na impeachment, pero ayaw n’yong hindi kayo ang mag-preside, ayaw n’yo na ang numero ay 24… ginugulo na po nila kasi kasunod niyan, Cha-Cha [Charter Change],” pagtatapos pa niya.
Kaugnay matatandaang nagsumite ng petisyon ang Cayetano bloc sa Korte Suprema nito ring Martes, Hunyo 16, kung saan humihiling sila na maglabas ng Status Quo Ante Order ang Korte kaugnay sa pamumuno nina Senate President Pro Tempore Sen. Sherwin “Win” Gatchalian sa Senado at iba pa simula nang maganap ang quorum noong Hunyo 3, 2026.
Kalakip ng kanilang petisyon, kapansin-pansin na hindi kasama ang pangalan ng dalawang miyembro ng Cayetano bloc na sina Sen. Joel Villanueva at Sen. Mark Villar sa listahan ng mga petitioner na naghain ng Petition For Certiorari and Prohibition at humiling ng Status Quo Ante Order sa Korte Suprema.
KAUGNAY NA BALITA: Cayetano bloc, naghain ng petisyon sa SC; humiling ituring SP si Cayetano, SP Pro Tempore si Legarda!
KAUGNAY NA BALITA: 'Buwag na?' Sen. Joel, Sen. Mark 'di kasama sa petitioners ng Cayetano bloc sa SC!