July 21, 2026

Home BALITA

Coach Tab Baldwin, dinedma pagdinig sa DOLE; susundan ng formal hearing sa Hunyo 29

Coach Tab Baldwin, dinedma pagdinig sa DOLE; susundan ng formal hearing sa Hunyo 29
Photo courtesy: Screengrab Ateneo de Manila University (FB), DOLE (FB)

Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi dumalo sa nakatakdang inisyal na pagdinig ang coach ng Ateneo Men’s Basketball Team na si Tab Baldwin ngayong Lunes, Hunyo 15. 

Batay sa pahayag ng ahensya, “health concerns” ang dahilan ng hindi personal na pagdalo ni Baldwin sa inisyal na pagdinig, kaya kinatawan na lamang siya ng kaniyang legal counsel na si Atty Janella Flordeliza. 

Ibinahagi pa ng DOLE na bagama’t ang Alien Employment Permit (AEP) ni Baldwin ang kanilang hinihingi, kasama ang detalye ng validity, kondisyon, at sakop ng awtorisadong trabaho nito, Alien Certificate of Registration (ACR) ang ibinigay ng kaniyang kampo. 

Gayunman, isang pormal na pagdinig ang itinakda ng DOLE kay Baldwin sa darating na Lunes, Hunyo 29. 

Bukod dito, binigyan ng ahensya ng 10 araw si Baldwin o hanggang Huwebes, Hunyo 25, upang makapagsumite ng kaniyang beripikadong tugon at mga kinakailangang dokumento. 

HIV cases sa bansa, pumalo na ng mahigit 4,000 sa 1st quarter ng 2026!

“After June 25, magkakaroon tayo ng isang formal hearing sa June 29. Sang-ayon sa batas, sinusunod lang natin ‘yan. Allowed sila ng dalawang hearings pero kung isang hearing lang, after the initial hearing, we have 30 days to resolve,” ani Tolentino. 

Sa kasalukuyan, hindi pa ipinapatawag ng DOLE ang Ateneo de Manila University (ADMU) dahil ang mga nakatakdang paglilitis ay para kay Baldwin pa lamang. 

Idinagdag pa ng ahensya na pag-aaralan pa nila kung kakailanganin dito ang partisipasyon ng mismong pamantasan. 

Ang mga pagdinig ay isasagawa kasunod ng trahedyang pagkasawi nina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, ng Ateneo De Manila Men’s Basketball Team, noong Hunyo 8, sa Dipaculao, Aurora, dahil sa pagkalunod. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia

KAUGNAY NA BALITA: 'I want justice for my son!' Erpat ni Divine Adili, binira ang ADMU