Ipinagbigay-alam ng Embahada ng Nigeria sa Pilipinas na hinihiling ng pamilyang naulila ng Nigerian student athlete na si Divine Adili ang pagsasagawa ng autopsy sa kaniyang bangkay bago ito tuluyang maiuwi sa Nigeria.
Batay sa pahayag ng embahada noong Miyerkules, Hunyo 10, binanggit na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang pamilya ni Adili sa mga awtoridad at ahensya sa bansa, gayundin sa Ateneo de Manila University (ADMU) para sa repatriation ng bangkay ni Adili sa Nigeria.
Ngunit bago ang paghahanda sa repatriation, hinihiling ng pamilya ang autopsy, upang matukoy ang naging dahilan sa likod ng pagpanaw ni Adili sa Dipaculao, Aurora noong hapon ng Lunes, Hunyo 8, kasama ang isa pang player na si Rene Clert Baterbonia.
KAUGNAY NA BALITA: 'One of the brightest talent!' Ateneo de Davao, inalala naging karera ni Baterbonia
“The Embassy has been in direct contact with the family of the deceased, Ateneo de Manila University, law enforcement agencies, and other relevant authorities. The family has requested that an autopsy be conducted before arrangements for the repatriation of Mr. Adili’s remains to Nigeria are finalized. The Embassy is providing all necessary consular assistance and support in this regard,” saad ng Embahada.
Sa nasabi pang pahayag, ipinanawagan ng Embahada sa Nigerian community na manatiling kalmado at iwasan ang pagbuo ng mga hinala mula sa mga hindi beripikadong impormasyon sa social media.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy nilang babantayan ang mga magiging pangyayari sa ugnayan ng mga ahensya at awtoridad sa pamilya ni Adili.
“The Nigerian community is kindly urged to remain calm, avoid speculation, and refrain from circulating unverified information on social media. The Embassy remains committed to protecting the interests and welfare of Nigerian citizens in the Philippines and will continue to monitor developments closely,” panawagan ng Embahada.
KAUGNAY NA BALITA: ‘The Next Great Big Man:’ Ang nasawing ADMU foreign-athlete na si Divine Adili