July 23, 2026

Home BALITA

'Di dapat ganito!' Rep. Diokno, kinuwestiyon kalakaran ng Brigada Eskwela

'Di dapat ganito!' Rep. Diokno, kinuwestiyon kalakaran ng Brigada Eskwela
Photo Courtesy: Chel Diokno (FB), via MB

Pinuna ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang kalakaran ng Brigada Eskwela na ang mga guro ay napipilitang mag-abono para tustusan ang mga kinakailangang ayusin sa paaralan.

Ang Brigada Eskwela o kilala rin bilang National Schools Maintenance Week ay taunang programa ng Department of Education (DepEd) na ginagawa isang linggo bago magsimula ang klase.

Sa ilalim nito, nagtutulong-tulong ang kaguruan, magulang, komunidad, at pribadong sektor para ihanda at ayusin ang paaralan sa pagbubukas ng panibagong taong panuruan.

Ngunit sa X post ni Diokno nitong Miyerkules, Hunyo 10, kinuwestiyon niya kung bakit may mga guro pa ring gumagastos sa sariling bulsa sa kabila ng trilyong pondong laan sa sektor ng edukasyon.

Aniya, “Hindi dapat ganito. Kaya naghain tayo ng House Resolution No. 1102 para paimbestigahan ito: saan napupunta ang PHP 1.015 trillion na pondo?”

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

“DepEd, bakit may mga guro pa ring napipilitang gumastos, at paano natin masisigurong hindi na ito mauulit taon-taon,” dugtong pa ng kongresista.

Matatandaang ayon sa eksklusibong panayam ng Balita kay Ruby Ana Bernardo noong Hunyo 2, hindi pa man daw nagsisimula ang Brigada Eskwela ay may mga guro nang pinapasan ang mga gastusin sa pagkukumpuni ng paaralan.

Si Bernardo o mas kilala bilang Titser Rubs ay public school teacher mula Quezon City at national chair ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Aniya, “[B]ago po ‘yong pagsisimula po ng Brigada Eskwela, nag-conduct din po ‘yong Alliance of Concerned Teachers ng survey kung saan….75 among our responders ay sinasabing gumastos na sila, humugot sa sariling bulsa para magkumpuni [at] maisaayos ‘yong mga dadatnan ng ating mga estudyante sa darating po na school year.”

Maki-Balita: ALAMIN: Dapat na bang buwagin ang Brigada Eskuwela?

Samantala, sa pagbabalik ni Sen. Bam Aquino bilang chairperson ng Basic Education Committee sa Senado, inihayag niya rin ang balak na pagsisiyasat sa makupad na pagpapatupad ng ₱67 bilyong pondo para sa 25,000 classroom construction bilang tugon sa kakulangan nito sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Maki-Balita: Sen. Bam, iimbestigahan makupad na pagpapatayo ng classroom