June 09, 2026

Home BALITA National

PBBM, nais munang magkasundo mga senador para maganap ang 'special session'

PBBM, nais munang magkasundo mga senador para maganap ang 'special session'
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Gusto raw muna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na maging maayos ang mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan, bago maisagawa ang special session sa pagitan niya at ng mga senador—kung saan bibigyang-solusyon sa pamamagitan ng diskusyon ang “legislative gridlocks” na mayroon ang Senado.

Kasunod ito ng sunod-sunod na isyung lumaganap at nangyari sa mga mambabatas, na may kaugnayan sa liderato ng kapulungan.

Matatandaang tila hindi pa rin kasi natatapos ang usapin hinggil sa Senate leadership, kahit na kinilala na ng Palasyo ang liderato ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian kaysa kay Sen. Alan Peter Cayetano.

MAKI-BALITA: Palasyo, nanindigang liderato lang ni Sen. Gatchalian ang kikilanin ng Ehekutibo!-Balita

Sa ginanap na press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes, Hunyo 9, sinabi niyang mababalewala lang daw kasi ang magiging sesyon kung mangyayari ito nang hindi pa magkakasundo ang mga senador.

“Sa ngayon po ay fina-finalize pa po [ang special session] pero ang gusto po ng Pangulo ay mauna ang Senado na magkasundo dahil kahit sabihin natin na mayroong hiling ang Pangulo para sa isang special session, kung sila mismo po ay hindi magkakasundo, mababalewala po ang naisin ng Pangulo,” saad ni Usec. Castro.

Anang press officer, ang kaayusan naman daw sa pagitan ng mga mambabatas ay para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

“Dapat ayusin po nila ang Senado—ito naman ay para sa taumbayan, hindi pansarili. So, unahin muna nilang maayos ang kanilang mga sigalot, at ang kanilang mga isyu sa sa Senado,” anang press officer.

Sa gitna ng mga isyung ito, nanindigan naman ang Palasyo na hindi humaharap sa “constitutional crisis” ang Pilipinas.

“Sa mata po ng Malacañang, sa mata po ng ehekutibo, wala po tayong matatawag na ‘constitutional crisis,’” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: Sa gitna ng mga isyu sa Senado: Palasyo, iginiit na walang 'constitutional crisis'-Balita