June 09, 2026

Home BALITA National

Sa gitna ng mga isyu sa Senado: Palasyo, iginiit na walang 'constitutional crisis'

Sa gitna ng mga isyu sa Senado: Palasyo, iginiit na walang 'constitutional crisis'
Photo courtesy: RTVM/YT


Mariing itinanggi ng Malacañang na humaharap ang bansa sa isang constitutional crisis, kasunod ang mga isyung lumalaganap sa loob ng Mataas na Kapulungan.

Kaugnay ito sa kung sino nga ba ang susunding liderato sa Senado, kung sino ang hahawak sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, at ang mangunguna para sa special session na gaganapin sa pagitan ng mga mambabatas at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes, Hunyo 9, ipinagdiinan din niyang tiyak ang punto ng Palasyo hinggil sa kikilalanin nitong liderato sa Senado.

“Sa mata po ng Malacañang, sa mata po ng ehekutibo, wala po tayong matatawag na ‘constitutional crisis,’” saad ni Usec. Castro.

Aniya pa, “Maliwanag po ang sinabi, ang sinusuportahan po at ang nire-recognize na liderato ay ang liderato po ni Acting Senate President (SP) Sherwin Gatchalian.”

Sa isyu ng posibleng pagharang, kaguluhan, o kalituhan kaugnay sa mga nabanggit na sesyon sa Senado, iginiit ng press officer na nararapat nang maayos ang sigalot sa pagitan ng mga mambabatas.

“Kaya nga po diyan magkakaroon ng problema, hindi sa parte ng ehekutibo—kung hindi sa parte ng Senado,” anang press officer.

“So, hindi po sila dapat nagkakaroon ng anumang gulo diyan, kung sino po ‘yong ni-recognize, dapat matanggap na po ng kabilang panig,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Matatandaang hinalal bilang SP si Sen. Alan Peter Cayetano matapos siyang makabuo ng 13 boto mula sa paglipat ng ilang mambabatas, at sa biglaang pagdalo ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa sesyon ng Senado noong Mayo 11.

Pinalitan niya sa puwesto si ex-SP Sen. Vicente “Tito” Sotto III.

Ngunit pinatalsik din si Cayetano noong Hunyo 3, matapos makabuo ng quorum ang bagong majority bloc ng Senado.

Sa kasalukuyan, si Sen. Sherwin Gatchalian na ang nanunungkulan bilang Acting SP at Senate President Pro Tempore.

MAKI-BALITA: Palasyo, nanindigang liderato lang ni Sen. Gatchalian ang kikilanin ng Ehekutibo!-Balita