July 27, 2026

Home BALITA National

Kanino susundin? Sen. Cayetano at Gatchalian, nagpuksaan ng memo para sa Senate employees

Kanino susundin? Sen. Cayetano at Gatchalian, nagpuksaan ng memo para sa Senate employees
Photo courtesy: MB File Photo

Magkahiwalay na advisory ang inilabas nina dating Senate President Alan Peter Cayetano at kasalukuyang Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian hinggil sa work arrangement ng mga empleyado ng Senado ngayong linggo, na may kaugnayan sa paggunita ng Araw ng Kalayaan, na nagdulot ng panibagong usapin sa gitna ng umiiral na tensiyon sa liderato ng kapulungan.

Sa advisory na pirmado ni Sen. Cayetano na may petsang Martes, Hunyo 9, ipinaalala sa lahat ng empleyado ng Senado na simula Hunyo 8 hanggang Hunyo 11 ay ipatutupad ang regular na oras ng trabaho na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Nakabatay umano ito sa probisyon ng 2024 Collective Negotiation Agreement dahil papatak sa Biyernes, Hunyo 12, ang Araw ng Kalayaan.

Ayon sa memorandum, inaasahang susundin ng lahat ng kawani ang itinakdang working hours at mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa opisina.

Samantala, sa hiwalay namang advisory na nilagdaan ni Sen. Gatchalian nitong Martes, Hunyo 9, pinahintulutan ang mga empleyado ng Senate Secretariat at Senate Proper na mag-work-from-home sa Hunyo 10 at 11.

Nakasaad sa memorandum na ang desisyon ay bunsod ng impormasyong natanggap mula kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag hinggil sa umano'y banta sa seguridad ng Senado.

National

Rep. Tiangco, umaasang bibirahin ni PBBM pinsang si Rep. Romualdez

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ding magsagawa ng security assessments, inspeksiyon, at iba pang mga hakbang pangkaligtasan sa loob ng gusali ng Senado kaya pansamantalang ipatutupad ang remote work arrangement sa loob ng dalawang araw.

Gayunman, nilinaw sa advisory na maaaring atasan pa ring pumasok sa opisina ang ilang empleyado na may kaugnayan sa seguridad, maintenance, at iba pang mahahalagang serbisyo upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng Senado.

Matatandaang nagkaroon na rin ng pag-update sa website ng Senado hinggil sa posisyon nina Gatchalian at Cayetano.

Maki-Balita: Updated na? Posisyon nina Sen. Win, Sen. Alan, pinalitan na sa Senate website

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang Senado kung paano eksaktong ipatutupad ang dalawang magkaibang advisory at kung alin ang magiging pangunahing gabay ng mga empleyado sa mga susunod na araw.

Matatandaang nagkaroon ng rigodon sa mga posisyon sa Senado noong Hunyo 3, matapos na hindi pumasok ang ilan sa mga senador mula sa dating majority bloc, maliban kay Sen. Chiz Escudero.

Maki-Balita: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!