July 26, 2026

Home BALITA National

Aurora police sa pagkalunod nina Rene at Divine: 'Purely accident, hindi inaasahan!'

Aurora police sa pagkalunod nina Rene at Divine: 'Purely accident, hindi inaasahan!'
Photo courtesy: PNP Aurora Police Provincial Office (FB)

Inalahad sa publiko ni Aurora Provincial Director PCol. Percival Pineda na “purely accident” at hindi raw talaga inaasahan ang naging pagkalunod ng dalawang miyembro ng Ateneo de Manila University men’s basketball team na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili. 

Matatandaang nauna nang opisyal na inanunsyo ng Ateneo de Manila University ang pagpanaw nina Baterbonia at Adili sanhi umano ng pagkalunod ng dalawa sa isinagawang team-building ng kanilang kupunan sa Dipaculao, Aurora, noong Lunes, Hunyo 8, 2026.

KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!

Sa naging pahayag ni Pineda nitong Martes, Hunyo 9, sinabi niyang batay raw ang kaniyang naging salaysay sa mga nalikom nilang impormasyon sa mga kasamahan nina Baterbonia at Adili nang maganap ang insidente.

“Ang ating nakuhang salaysay sa mga kasama niya ay ito pong insidente na ito ay talaga pong purely accident,” pagsisimula niya. 

National

Sen Alan, tinalakang 'ang ingay, dakdak nang dakdak' sa FB live niya

Paliwanag pa niya, “Natural accident po ‘yong pangyayari, hindi po talaga inaasahan, at sa ngayon wala po tayong nakikitang foul play sa aksidente na ito.” 

Ani Pineda, nagkaroon daw ng activity ang koponan nila Baterbonia at Adili sa harap ng beach resort na pinagdausan nila ng team-building. 

Paglilinaw niya, lumakad daw ang mga manlalaro sa tabing-dagat na may lalim na aabot sa hanggang hita. 

“At base po sa salaysay na atin pong nakausap na mga kasama nila ay meron po silang activity na kung saan lumalakad po ‘yong mga players natin sa tabing-dagat,” aniya. 

Saad pa niya, “Mga nasa hanggang hita po ‘yong lalim ng tubig at bigla na lang po silang napunta sa malalim na parte.” 

Pagpapatuloy ni Pineda, may nalakaran daw ang mga manlalaro na isang malalim na parte ng dagat dahilan para matangay ng alon ang mga ito papunta sa mas malayo pang lugar. 

“Doon po sa parte ng nilalakaran nila ay mayroon pong malalim na lugar. Doon nga po, bigla silang tinangay ng current papunta sa mas malalim na lugar ng dagat,” ‘ika niya. 

Giit naman ni Pineda, tinangka naman daw sasaklolohan ng iba pang miyembro ng koponan sina Baterbonia at Adili, pati na rin ng ilang mga lifeguard ng resort, ngunit hindi raw nakaligtas ang dalawa.

“May mga kasama po sila na tumulong at meron din pong lifeguard ang nasabing resort at sila rin po ay tumulong. Pero sa kasamaang-palad nga ay nasawi nga po ‘yong dalawa,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, umaapela naman ang ina ni Baterbonia na si Rovelyn Baterbonia na magkaroon ng hustisya ang pagkasawi ng kaniyang anak. 

Ani Rovelyn nito ring Martes, hindi raw niya inakalang mahirap na training na kakaharapin ng kaniyang anak dahil hindi naman daw ito ipinagbigay-alam sa kaniya ng pamantasan. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia