July 23, 2026

Home BALITA National

Ateneo, nagluluksa sa pagkamatay nina Baterbonia, Adili; magbibigay ng suporta, assistance sa pamilya

Ateneo, nagluluksa sa pagkamatay nina Baterbonia, Adili; magbibigay ng suporta, assistance sa pamilya
Photo courtesy: Rene Baterbonia (FB)/MB File Photo

Patuloy na nakikiramay at nagbibigay-suporta ang Ateneo de Manila University sa mga pamilya ng pumanaw na student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, matapos ang trahedyang naganap sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.

Sa inilabas na opisyal na pahayag nitong Martes, Hunyo 9, sinabi ng unibersidad na nananatili silang kaisa sa panalangin ng mga pamilya, kaibigan, kakampi, coach, at buong komunidad ng Ateneo na labis na naapektuhan ng sinapit ng dalawang atleta.

Ayon sa Ateneo, inilipat na noong Martes ng umaga ang mga labi nina Baterbonia at Adili mula sa Aurora Memorial Hospital patungo sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City.

Inihayag din ng pamantasan na hiningi mismo ng mga magulang ni Rene ang pagsasagawa ng autopsy sa labi ng binata. Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na umano ang Ateneo sa mga kaukulang awtoridad, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang mapadali ang proseso.

Pagdating sa Maynila ng mga magulang at kapatid ni Rene mula Davao City nitong Martes, sinalubong sila ni Ateneo President Fr. Roberto Yap, SJ, na personal na nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya. Naglaan din umano ng oras ang pari upang makapanalangin kasama ang pamilya at bendisyunan ang mga labi ng batang basketbolista.

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

Samantala, sinabi rin ng Ateneo na nais ng pamilya ni Divine Adili na maiuwi ang kaniyang mga labi sa bansang Nigeria alinsunod sa kanilang kultura at tradisyon. Kasalukuyan nang inaasikaso ng unibersidad ang mga kinakailangang dokumento at permiso para rito.

Sa ngayon, wala pa umanong pinal na detalye hinggil sa burol nina Baterbonia at Adili, ngunit tiniyak ng Ateneo na agad nilang ipapaalam sa publiko ang anumang pinal na plano matapos makipagkasundo sa kani-kanilang pamilya.

Bukod dito, sumailalim na rin sa psychological processing at counseling sessions ang mga miyembro ng men's basketball team at coaching staff na nagbalik mula Aurora.

Kinilala ng Ateneo na hindi madaling malampasan ang emosyonal na epekto ng trahedya kaya magpapatuloy umano ang pagbibigay ng counseling, psychological support, at iba pang tulong sa mga atleta at kawani ng unibersidad.

Muling tiniyak ng Ateneo na patuloy nilang sasamahan ang mga pamilya nina Baterbonia at Adili habang nagpapatuloy ang pag-unawa at pagsusuri sa mga pangyayari na humantong sa malagim na insidente.

Si Baterbonia, 19, at si Adili, 21, ay kapwa nasawi sa pagkalunod matapos ang isang insidente sa isinagawang team-building activity ng koponan sa Aurora noong Lunes. Patuloy namang hinihintay ng kanilang mga pamilya at ng publiko ang resulta ng imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang buong pangyayari.

Maki-Balita: Nalunod na pangarap: Huling pangako ni Rene Baterbonia, 'Iaahon ko ang aking pamilya sa kahirapan!'

Maki-Balita: ‘The Next Great Big Man:’ Ang nasawing ADMU foreign-athlete na si Divine Adili