Ipinagdiinan ng aktor na si Sen. Robin Padilla na hindi aplikable sa politika ang bansag sa kaniya bilang "Bad Boy" kundi isa siyang "Good Boy" pagdating sa larangang ito.
Sa panayam ng "CinemaBravo" at iba pang media outlets sa advance screening ng comeback action movie niyang "Bad Boy 3," sinagot ni Sen. Robin kung "Bad Boy" rin ba siya pagdating sa Senado.
Matatandaang bago maganap ang advance screening at media conference sa nabanggit na pelikula, nagkaroon pa muna ng komosyon sa pagitan nila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa Senado noong Huwebes, Hunyo 4, sa pagsasagawa ng Blue Ribbon Committee hearing ng "Cayetano-bloc."
Saad ni Sen. Pia Cayetano na siyang chairman ng komite noong Senate President pa si Sen. Alan Peter Cayetano, tinangka raw siyang pigilan ni SILG Jonvic na makapasok sa loob kasama ang mga inimbitahang testigong 18 ex-Marines, kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Kalaunan, sinabi ng dalawang panig na hindi totoo ang mga lumabas na intriga tungkol sa nangyari, at sinabi naman ni Padilla na okay sila ni Remulla.
Sa hapon, dumalo pa si Sen. Robin sa nabanggit na big event para sa kaniyang pelikula.
Maki-Balita: Robin Padilla, 'Bad Boy' ulit!
Sa ambush interview sa aktor-senador, sinabi niyang ang mga maituturing na "Bad Boy" sa politika ay mga korap o tiwali, at maituturing niyang "Good Boy" siya.
"Ang Bad Boy sa politika kasi. 'yan yung mga korap," ani Padilla.
"'Yan, eh, hindi ako Bad Boy sa politika. Ako'y very Good Boy sa politika, kaya nga ang sabi nila, lagi akong maximum tolerance," saad pa niya.
Kaugnay nito, sa nabanggit na mediacon, sinabi rin ni Sen. Robin na mas enjoy raw para sa kaniya ang shooting sa pelikula kaysa sa politika.
"Sa totoo lang po, mas masaya po sa showbiz kaysa politika," anang senador.
"Malayong-malayo po. Iba nag ligaya po sa shooting."
"Iba talaga itsura ko 'pag politika. Pag politika, talagang dala mo 'yong problema ng bayan, iba yung bigat. Showbiz, masarap eh. Kasi nag-e-entertain kayo ng tao, masaya 'yong tao," saad pa niya.
Nabanggit din ng aktor-senador na kung magkakaroon man ng ikaapat na installment ang "Bad Boy 3," malamang na ipasa na niya ito sa pamangking si Kapamilya star Daniel Padilla, bagay na sinang-ayunan naman ng kapatid niyang si Rommel Padilla, na tatay ng aktor.
Maki-Balita: Robin Padilla, ipapasa kay Daniel Padilla pagiging 'Bad Boy!'