Dumalo si Sen. Robin Padilla sa advance screening ng kaniyang pelikulang "Bad Boy 3" na ginanap sa isang mall sa Cubao, Quezon City noong Huwebes ng gabi, Hunyo 4, kahit kagagaling niya lang sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee hearing ni Senate President Alan Peter Cayetano, kasama pa ang chair ng komite na si Sen. Pia Cayetano, at mga miyembrong sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Imee Marcos sa Senate hall sa Pasay City.
Bago ang aktuwal na pagdinig, tila nagkaroon pa ng komosyon sa pagitan nila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla matapos daw na magkagitgitan silang dalawa sa pagpasok sa loob ng Senado, kasabay ng crowd. Saad ni Sen. Pia, tinangka raw siyang pigilan ni SILG Jonvic na makapasok sa loob kasama ang mga inimbitahang testigong 18 ex-Marines, kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Kalaunan, sinabi ng dalawang panig na hindi totoo ang mga lumabas na intriga tungkol sa nangyari, at sinabi naman ni Padilla na okay sila ni Remulla.
Going back kay Sen. Robin, matapos nga ang mga mala-teleseryeng ganap sa Senado, nakuha pa niyang dumalo sa event ng kaniyang pelikulang "Bad Boy 3" sa ilalim ng VIVA Films.
Para sa hindi nakakaalam, "Bad Boy of Philippine Movies" ang tawag kay Robin noon pa man, dahil sa dalawang pelikulang nagawa niya na ganito rin ang pamagat, noong 1990 at 1992. Ang bansag na "Bad Boy," tuluyan na ring naikapit sa kaniya at naging bahagi na rin ng kaniyang public image.
Ang unang hinanap nga ni Sen. Robin pagdating niya sa venue ay ang butihing misis na si Mariel Rodriguez-Padilla, na agad niyang pinuntahan at mahigpit na niyakap.
During sa media conference, hindi naman maiwasan ng showbiz news reporter na matanong si Robin patungkol sa politika. Pag-amin niya, mas nag-eenjoy at masaya raw siya sa shooting.
"Sa totoo lang po, mas masaya po sa showbiz kaysa politika," anang senador.
"Malayong-malayo po. Iba nag ligaya po sa shooting."
"Iba talaga itsura ko 'pag politika. Pag politika, talagang dala mo 'yong problema ng bayan, iba yung bigat. Showbiz, masarap eh. Kasi nag-e-entertain kayo ng tao, masaya 'yong tao," saad pa niya.
Nabanggit din ni Sen. Robin na nakikita niyang puwede niyang ipasa sa kaniyang pamangking si Daniel Padilla ang pagiging Bad Boy, at ang posible raw makatambal, ang rumored girlfriend na si Kaila Estrada.
Dagdag pa ng aktor-senador, matagal na pala dapat gagawin ang ikatlong installment ng Bad Boy, noon pang 2014; kaya lang daw, nanalo kasi ang "paborito niyang kandidato" sa pagkapangulo noong 2016 na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at mas nagpokus daw sila sa kaniya.
Hindi ito ang unang beses na nagbalik-showbiz si Sen. Robin. Matatandaang napasama siya sa action series na "Blood vs. Duty" nina Richard Gutierrez at Gerald Anderson, sa ilalim ng Star Creatives ng ABS-CBN, na umani naman ng iba't ibang reaksiyon, komento, at kritisismo mula sa mga netizen.
Maki-Balita: Na-miss mo ba? Sen. Robin Padilla, balik 'Bad Boy'