Mukhang may nakikita nang pagmamanahan ng titulong "Bad Boy" ang action star at senador na si Robin Padilla, sa katauhan ng kaniyang pamangking si Kapamilya star Daniel Padilla.
Pinangalanan ni Robin ang pamangking si DJ sa ginanap na advance screening at media conference para sa pagbabalik-pelikula niyang "Bad Boy 3" noong Huwebes, Hunyo 4, sa isang sinehan sa isang sikat na mall sa Cubao, Quezon City.
"Ipapamana ko na ang Bad Boy 4 sa mas batang artista. I-introduce na po namin, si Daniel [Padilla]," pahayag ni Robin, na sinang-ayunan naman ng tatay ni Daniel na si Rommel Padilla na kabilang sa mga dumalo sa screening at nagpakita ng suporta sa kaniyang kapatid.
Nabanggit din na ang posibleng leading lady rito ni Deej ay ang rumored girlfriend na si Kaila Estrada.
Well, kung si Daniel man ang magiging next Bad Boy at posibleng bumida sa Bad Boy 4, mukhang keri naman niya dahil sumabak na rin naman siya sa pagiging action star, sa action series na "Incognito" kasama sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Maris Racal, Anthony Jennings, at Kaila Estrada kung saan sila naging malapit talaga ng rumored jowa.
Para sa hindi nakakaalam, "Bad Boy of Philippine Movies" ang tawag kay Robin noon pa man, dahil sa dalawang pelikulang nagawa niya na ganito rin ang pamagat, noong 1990 at 1992. Ang bansag na "Bad Boy," tuluyan na ring naikapit sa kaniya at naging bahagi na rin ng kaniyang public image.
Going back kay Sen. Robin, matapos nga ang mga mala-teleseryeng ganap sa Senado, in fairness ay nakuha pa niyang dumalo sa nabanggit na event.
During sa media conference, hindi naman maiwasan ng showbiz news reporter na matanong si Robin patungkol sa politika. Pag-amin niya, mas nag-eenjoy at masaya raw siya sa shooting.
"Sa totoo lang po, mas masaya po sa showbiz kaysa politika," anang senador.
"Malayong-malayo po. Iba nag ligaya po sa shooting."
"Iba talaga itsura ko 'pag politika. Pag politika, talagang dala mo 'yong problema ng bayan, iba yung bigat. Showbiz, masarap eh. Kasi nag-e-entertain kayo ng tao, masaya 'yong tao," saad pa niya.
Maki-Balita: Robin Padilla, 'Bad Boy' ulit!
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Daniel kung papayag ba siyang pagpasahan ng titulong "Bad Boy" kung sakali.