Binira ng isang broadcaster ang naging pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta sa isinagawa nilang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes, Hunyo 4, 2026, na “bayaran” daw ang karamihan sa hanay ng media.
Sa naging pahayag ng brodkaster sa Super Radyo DZBB na si Joel Reyes Zobel sa inere nilang programa noon ding Huwebes, idiniin niyang nakapanira na raw at nakapinsala si Marcoleta.
“Nakapanira na. The damage has been done,” pagsisimula niya.
Buwelta ni Zobel, tila basta na lang daw kasing nagbibitaw ng mga salitang walang basehan si Marcoleta tapos hihingi ng tawad pagkatapos.
“Ang hirap po kay Sen. Rodante Marcoleta at sampo ng kaniyang mga kasamahan at nagtatanggol po sa kaniya, bibitawan po ninyo ang walang basehang paninira tapos magso-sorry po kayo,” tirada niya.
Ani Zobel, sasabihin na raw agad ni Marcoleta na bayaran ang media kapag hindi lumabas ang mga katotohanan para sa kaniya at gusto niya.
“Ang hirap po sa inyo, you only want your truth to come out. Kapag hindi lumabas ‘yong sinasabi ninyong katotohanan, sasabihin nila, bayaran na ang karamihan sa amin,” aniya.
Dagdag pa niya, “Hindi naman tayo nagmamalinis pero para sabihin na ‘karamihan’ nang walang patunay. Pangit naman po ‘yon.”
Pagpapatuloy ni Zobel, pinepersonal daw niya ang nasaad ng naturang senador at hinihimok daw niya ang mga kasamahan sa hanay ng media na punahin si Marcoleta sa pagsasabi niyang bayaran ang karamihan sa kanila.
“Bago magbanggit ng mga ganoon, sana pinag-iisipan muna. Kasi I’m taking this personally. Hinihimok ko rin ‘yong mga kasamahan ko sa media na tandaan n’yo po bilang taong gobyerno na siya po ‘yong taong gobyerno na nagsabing marami po sa ating hanay ang bayaran,” ‘ika niya.
“Nang walang pakundangan. Nang walang basehan,” pahabol pa niyal.
Saad ni Zobel, markado na raw ang umano’y paglapastangan ni Marcolea sa katulad nilang mga media.
“Dapat pinepersonal natin ang paglapastangan na ito sa ating propesyon. Kumbaga, markado na si Sen. Marcoleta dahil sa kaniyang binanggit,” pagtatapos niya.
Matatandaang humingi naman na ng paumanhin si Marcoleta sa mga miyembro ng Senate media noon ding Huwebes.
Anang senador, hindi niya intensiyong saktan o maliitin ang buong hanay ng media at inamin niyang bunga ng kaniyang pagkadismaya ang nabitawan niyang pahayag.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Frustrated lang?’ Sen. Marcoleta, nag-sorry matapos sabihing ‘bayaran ang Senate media!’
KAUGNAY NA BALITA: ‘Journalism’s loyalty is to the people!' NUJP, kinondena tirada ni Sen. Marcoleta sa media