Ipinagdiinan ng Malacañang na may epekto sa imahe at reputasyon ng bansa ang politikal na ingay na umaalingawngaw sa kasalukuyan—partikular na sa pagkabigo ng Pilipinas na makakuha ng non-permanent seat sa United Nations Security Council para sa taong 2027-2028.
Nito lamang kasing Huwebes, Hunyo 4, bigong makakuha ng sapat na boto ang bansa upang mabigyan ng puwesto para sa naturang council.
MAKI-BALITA: Pilipinas, bigong makakuha ng non-permanent seat sa UN Security Council-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Malacañang Press Corps (MPC) nito ring Huwebes, Hunyo 4, idiniin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na karamihan naman daw sa mga ito ay mga pawang “obstructionist” lamang.
“Yes, lahat ng political noise, lahat ng political tensions, nakakaapekto ito,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “At ito ang nakikita ng buong bayan at buong mundo sa impression dito sa Pilipinas.”
“So, nagiging negatibo dahil sa mga ingay na ito na karamihan naman ay mga obstructionist katulad ng pag-describe ng Pangulo sa huling kapihan with the media,” dagdag pa niya.
Matatandaang personal na ikinampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang puwesto ng Pilipinas para sa UN Security Council noong Marso sa New York, United States.
Para kasi sa Pangulo, mabibigyan nito ng boses ang bansa na kasinghalaga ng mga malalaking bansa.
“Malaking bagay sana tayo ay mapagbigyan at maging non-permanent member ng security council. Uupo tayo sa security council, which is the guiding body of the United Nations,” saad ni PBBM.
Aniya, “Doon dine-decide kung ano ang mga isyu na dapat talakayin ng United Nations—mga general assembly ng pag-uusapan and all the other issues around the world.”
“Ito’y magbibigay ng boses para sa Pilipinas na kasinghalaga ng boses ng mga malalaking bansa—the rich and powerful nations that already seat[ed] as permanent members of the security council,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: UN Security Council, magbibigay sa PH ng boses na kasinghalaga sa 'malalaking bansa'—PBBM-Balita