Inirekomenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa kaniyang kapatid na si Sen. Imee Marcos na sisantehin na raw ang tauhan nitong nagbigay ng pekeng impormasyon kaugnay sa no-election o term extension na magaganap umano sa 2028.
Matatandaang ibinahagi ni Sen. Imee sa isinagawa nilang plenaryo sa Senado noong Mayo 25, 2026, ang videong nagdidiin sa mga kapuwa niya senador at kasalukuyang miyembro ng minorya na tinutulak daw ang Charter change (Cha-cha) upang hindi matuloy ang susunod na eleksyon sa 2028.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee na-offend sa mga kapwa senador; sinabihan daw siyang sinungaling!
Sa naging pahayag naman ng Pangulo sa panayam sa kaniya ng media sa Japan nitong Biyernes, Mayo 29, sinabi niyang dapat daw na sibakin na lang ni Sen. Imee ang tauhan nitong nagbigay sa kaniya ng maling impormasyon dahil nakakasakit daw ang fake news sa bawat isa.
“I don’t know. She should fire her staff who gave her that information,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Fake news hurts everyone. Not only those that fake news is attacking but also those who purveyors of fake news, are also damaged by this kind of [issues].”
Buwelta ng Pangulo sa nakatatandang kapatid, “She should choose her sources of information better.”
Diin ni PBBM, hindi raw nila kailanman pinag-usapan ang tungkol sa Cha-Cha, no-election, o term extension, kahit saang lugar at anomang panahon.
“We have never at any point even spoken about this anywhere with anyone at anytime,” pagtitiyak niya,
Pagpapatuloy ng Pangulo, ang ginawa raw ni Sen. Imee ang pinakamagandang halimbawa sa maaaring idulot ng fake news sa mga tao at lipunan.
“Alam naman ninyo ang nagiging epekto ng fake news. That was the perfect example. Fake news is a corrosive influence in all sectors of society—in politics, in economics, in actual human relations, etc.,” saad niya.
“If you are not part of the solution, you become part of the problem. And that is a perfect example of that,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, reaksyon, o tugon si Sen. Imee kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, tinanggi 'no-election,' 'term extension' ni PBBM sa 2028!