May 21, 2026

Home BALITA National

Atty. Bondoc, iniiwasang 'Ma-Duterte' ng ICC si Dela Rosa

Atty. Bondoc, iniiwasang 'Ma-Duterte' ng ICC si Dela Rosa
Photo courtesy: Kapihan sa PDP Laban, File Photo

Idiniin sa publiko ng tumatayong legal counsel ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc na iniiwasan daw nilang magaya ang senador sa sinapit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang dakpin ang huli ng mga awtoridad at dalhin sa detention center ng International Criminal Court (ICC). 

Matatandaang mahigit isang taon na ang nakalipas mula noong Marso 11, 2025, nang hulihin ng mga awtoridad si FPRRD sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Villamor Air Base sa Pasay City at mailipad sa Rotterdam Airport sa The Hague, Netherlands. 

Samantala, noong Mayo 11, 2026, opisyal na naglabas ang ICC ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa, ngunit bigo naman ang awtoridad na maisilbi ang arrest warrant sa senador dahil nakatakas din ito sa Senado noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa

Ayon naman sa naging pahayag ni Bondoc sa “Kapihan sa PDP Laban” nitong Miyerkules, Mayo 20, kinikilala raw nilang umiiral ang warrant of arrest ng ICC laban sa kanilang kliyente na si Dela Rosa.

National

Arrest warrant kay Dela Rosa, valid; lahat ng ebalwasyon ng SC, ibabato sa DOJ—Palasyo

Ngunit bawi ni Bondoc, hindi raw nila kinikilala bilang “enforceable” ang warrant of arrest ng ICC laban kay Dela Rosa dahil kailangan daw muna nitong dumaan sa tamang proseso.

“Kinikilala namin that it exists. Kinikilala namin dahil sa mata nila, valid ‘yon. Pero hindi namin kinikilala na enforceable siya. It has to go through the proper process,” pagsisimula niya. 

Ani Bondoc, kinailangan daw na isailalim si Dela Rosa sa protective custody ng Senado dahil pinipilit daw isilbi ang arrest warrant ng ICC kahit sa tingin nila ay hindi ito “enforceable.”

“Because they were enforcing it. Ganoon lang kasimple,” aniya.

Diin ni Bondoc, kung ipipilit daw na maisilbi ang warrant of arrest kay Dela Rosa, baka raw magaya ang senador sa sinapit ni FPRRD at mahihirapan na raw silang ibalik ang senador, kahit na pumabor pa sa kanila ang Korte Suprema.

“Madu-Duterte siya. Hindi po ba ganoong kasimple ‘yon? Hindi ko alam kung ba’t pinahahaba natin ang usapan,” ‘ika niya.

Dagdag pa niya, “So kapag he will languish in a foreign cell beyond the reach of our law, and should the Supreme Court decide in our favor, we will still have no legal recourse to bring him back.” 

Pagpapatuloy ni Bondoc, pinapabalik pa nga raw ng maraming Pilipino si FPRRD mula sa ICC tapos hahayaan pang may mahuli muli sa bansa, partikular si Dela Rosa.

“Ayaw lang po nating maulit ‘yong ginawa kay Duterte. Kasi hindi pa nga settled ‘yong issue ng kay Pangulong Duterte, pinababalik pa nga natin siya, dadalawahin pa ba natin?” pagtatapos niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Si Sen. Bato nga tumatakbo!' Castro, nabahala baka gayahin ng mga wanted si Dela Rosa