Pormal nang nagsampa ng reklamo si GMA broadcast journalist at dating beauty queen na si Athena Imperial laban sa dating kasamahang news reporter na si Nico Waje kaugnay ng umano’y acts of lasciviousness at gender-based sexual harassment.
Batay sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, pormal na naghain si Athena ng kaniyang kaso laban kay Nico nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 13, 2026, sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City.
Ang kasong acts of lasciviousness ay nakapaloob sa Article 336 ng Revised Penal Code, habang ang reklamo namang gender-based sexual harassment ay alinsunod sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act.
Kasama ni Athena sa paghahain ng reklamo ang kaniyang legal counsel na si Atty. Aloi Renz Santos ng APS Law.
Sa isang opisyal na pahayag, kinumpirma umano ng abogado ni Athena ang pagsasampa ng reklamo ng kaniyang kliyente ngunit hindi na nila idinetalye ang nilalaman ng complaint affidavit na isinumite sa piskalya.
Ayon sa abogado, hahayaan muna nilang umusad ang legal na proseso at hindi muna sila magbibigay ng dagdag na komento hinggil sa merito ng kaso upang maprotektahan ang karapatan ng kanilang kliyente.
Binigyang-diin ng kampo ni Athena na nagsampa umano ng hiwalay na reklamo ang isa pang indibidwal laban kay Nico, bagama’t hindi na nila ito pinalawig pa bilang paggalang sa privacy at due process.
Sa hiwalay namang pahayag na inilabas sa pamamagitan ng kaniyang abogado, sinabi ni Athena na hindi naging madali ang kaniyang desisyong magsampa ng reklamo.
Ayon sa mamamahayag, matagal niyang pinag-isipan ang hakbang at kinailangan niya ng lakas ng loob at suporta mula sa mga taong malapit sa kaniya bago siya nagsalita.
Iginiit din niya na hindi lamang para sa kaniyang sarili ang kaniyang ginawa kundi para rin sa mga taong natatakot o hindi pa kayang magsalita tungkol sa mga katulad na insidente.
Dagdag pa ni Athena, naniniwala siyang hindi na dapat binabalewala, minamaliit, o kinukunsinti ang ganitong uri ng mga pangyayari sa anumang workplace o industriya.
Nilinaw rin niyang hindi muna siya magbibigay ng iba pang detalye tungkol sa reklamo bilang paggalang sa nagpapatuloy na proseso at hiniling niya sa publiko na hayaang gawin ng mga awtoridad ang kanilang trabaho nang walang haka-haka o maagang paghusga.
Umaasa rin umano siya na sa pamamagitan ng legal na proseso at bukas na pag-uusap ay mas mapapalawak pa ang ligtas na espasyo at pananagutan sa iba’t ibang industriya.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Nico Waje kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kaniya.
Ayon sa ulat, sinubukan na ring kontakin si Nico sa pamamagitan ng mensahe sa Facebook upang kunin ang kaniyang panig hinggil sa isyu, subalit wala pa siyang tugon tungkol dito.
NAGSIMULA SA BLIND ITEM
Matatandaang palaisipan pa rin sa mga netizen ang tunay na dahilan kung bakit wala na sa GMA Network si Nico, na naging viral dahil sa kaniyang kinakiligang looks habang nag-uulat sa lagay ng panahon.
Bago nito, lumabas naman ang isang blind item tungkol sa isang male news personality na umano'y inaakusahan ng isang mabigat at maselang reklamo
Napaulat din ng PEP na sa isang event, ipinakilala raw si Nico bilang "former GMA news reporter" bagay na ikinagulat naman ng fans, supporters, at netizens.
Bandang Enero 2026, makalipas ang halos tatlong buwan, muling nagparamdam sa TikTok ang dating GMA news reporter na umani ng samu't saring reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
Sa video, makikitang nilalaro ng news reporter ang kaniyang pet dog.
Maririnig naman ang background music ng video mula sa awiting "Babaero" ng Syntetiko, tampok ang lyrics mula sa chorus nito, na nli-lip sync din niya.
Saad sa lyrics, "Dapat mo nang malaman na wala lang ang mga sinasabi ng makakating labi. At ba-babaero pangalan ko sa kuwento nilang walang pruweba puro lamang imbento Oh, ba-babaero, ba-babaero, ba-babaero daw ako. Di naman totoo, yeah, hindi naman totoo, 'di naman totoo."
May ilang mga nagbunyi sa pagiging aktibo niya ulit sa social media, may ilang mga nangumusta, pero hindi rin mawawala ang mga nang-urirat tungkol sa intriga.
Sabi ng isang netizen, "been so long. i hope it is not true. rooting for you."
Tumugon naman dito si Waje ng tatlong "finger heart" emojis.
Narito naman ang ilan pa sa mga usisa at tanong ng netizens:
"Hindi totoo?"
"Kumusta na po kayo ng asawa niyo?"
"naka balik na sya guys! I hope you are okay."
"Batch mate ko to sa sja pero sympre hindi totoo crush namin to nun pa gentle man pa."
"i met him in a presscon, he's very approachable and humble. so when the issue broke out, we were shocked. good thing he's back— unbothered and stronger."
"Boss Nico, Official statement sna para wla nang mga issue marites. I started following u since SFT."
Maki-Balita: 'Hindi totoo!' Nico Waje, pasimpleng winalis intriga tungkol sa kaniya?
Noong Abril 10, nag-post si Nico na tila nasa isang studio siya, na tila nagbabadyang balik-telebisyon na ulit siya pero hindi bilang field reporter kundi bilang isang news anchor, bagama't walang nakalagay na impormasyon at detalye tungkol dito.
"Mahal ka palagi ni Lord, Joven," mababasa sa caption ni Nico.
Ang pangalang "Joven" ay pangalawang pangalan ng news personality.
Sa comment section, marami naman ang nagpaabot ng pagbati para sa kaniya.
Isang netizen naman ang nangahas na magtanong kay Nico kung anong masasabi niya sa cryptic posts ni Athena.
"What can you say about athena's post?" tanong ng netizen.
Wala namang response si Nico patungkol dito.
Maki-Balita: 'Mahal ka palagi ni Lord, Joven!' Nico Waje, host ng 'Customs Check Pilipinas'
CRYPTIC POSTS NI ATHENA IMPERIAL
Samantala, kasabay nito, naintriga naman ang mga netizen sa IG stories ni Athena, na walang tinukoy na pagkakakilanlan kung sino ang kaniyang pinatutungkulan.
Saad sa isang IG story, "Nakita ni Lord 'yung ginawa mo. Sa akin. Sa amin."
Sa isa pang IG story, "You shall not bear false witness against your neighbor."
"Seven people heard me scream. One saw what you did. You just laughed."
Maki-Balita: 'Nakita ni Lord ginawa mo!' Cryptic posts ni Athena Imperial, kinonek ng netizens kay Nico Waje
Mabilis naman itong na-screenshots ng iba't ibang social media pages, kabilang na ang "Fashion Pulis."
Maaaring dahil sa mga nagkalat na screenshots at ulat dito kaya napatanong ang netizen kay Nico kung ano ang reaksiyon niya sa cryptic posts ni Athena.
Si Athena, bago maging news reporter, naging Miss Earth Philippines-Water muna noong 2011. Samantala, si Nico naman ay nakuha ang interes ng publiko matapos maging viral sa social media noong Hulyo 2025 dahil sa kaniyang coverage sa bagyong Dante.
Maki-Balita: GMA news reporter, nagpakilig sa netizens habang nagbabalita