May 11, 2026

Home BALITA Politics

Pasabog ni CJ Hirro: Mga janitor, security, kinukupitan ng Kamara!

Pasabog ni CJ Hirro: Mga janitor, security, kinukupitan ng Kamara!
Photo courtesy:via PGMN (YT), MB FILE PHOTO

Tahasang isiniwalat ni Peanut Gallery Media Network (PGMN) lead Anchor CJ Hirro ang umano’y anomalya sa pondong nakalaan sa ilalim ng General Services ng Kamara para sa mga janitor at security personnel sa mga nakalipas na taon.

Sa latest episode ng programa ng (PGMN) na pinamagatang “Martin Looter Fund” noong Linggo, Mayo 10, 2026, iginiit ni Hirro na maaari pa raw sanang madoble ang ibinibayad ng Kamara para sa mga janitor at security personnel kung hindi lang ito kinukulimbat ng liderato ng Kongreso.

“Magkano po ang suweldo n'yo diyan, mga janitor, mga security sa Kongreso? Alam ko po naka-agency kayo, pero mga ma'am, mga sir, kayang-kaya po doblehin ang mga suwledo n'yo diyan  dahil may budget for it. Naramdaman n'yo po ba 'yon?” ani Hirro.

Dagdag pa niya, “Sana man lang po naambunan kayo ng budget na 'yan, kasi meron po. May pera!”

Ayon sa datos na inilatag niya sa nasabing episode, mula 2022 budget na ₱214,960,000 para sa mga janitor at security. Subalit, napag-alaman ding tanging ₱112,605,223 lang ang inilahad na report ng Commission on Audit (COA) na nagastos ng Kamara mula sa nasabing pondo noong 2022.

Politics

Pagbabawal na arestuhin sa loob ng Senado si Sen. Bato, walang basehan!—Trillanes

Habang noong 2025, ay lumobo ang pondong nakalaan para sa mga janitor at personnel na na aabot sa ₱425,000,000 at muling lumagapak ng ₱297,500,000 nitong 2026.

“Ginamit po ang time ninyo para pakapalin ang bduget ng Congress. Pati item ninyo, ginamit! Naramdaman n'yo ho ba?” giit ni Hirro.

Malaki na raw sana ang igininhawa ng buhay ng mga janitor at security personnel ng Kamara kung talagang naibigay ang budget para sa kanila.

“Imagine, how much your life could change, kung sa inyo talaga napunta ang budget na 'yan? Kung ako po sa inyo mag-iiwan po ako ng patay na daga sa venty ng mga swapang diyan kasi buwiset talaga sila!” aniya pa.

“Pati janitor! pati janitor, security, kinukupitan pa! Grabe na nga yung trabaho ng mga tao na 'yan,” saad ni Hirro.

Matatandaang kabilang si Hirro sa person of interest na pinaiimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pangingikil umano ni PGMN founder Franco Mabanta kay Romualdez. 

Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag ang kampo ni Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez.

KAUGNAY NA BALITA:  'We are innocent. This was setup!' Franco Mabanta, nagsalita matapos dakpin ng NBI dahil kay Romualdez 

MAKI-BALITA: Romualdez, malaki ang papel sa sistema ng korupsiyon—CJ Hirro